TUMANGGI ang International Criminal Court (ICC) sa The Hague na aksyunan ang reklamong isinampa nina dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales laban kay China President Xi Jinping at iba pang opisyal ng Beijing hinggil sa umano’y ‘crimes against humanity’ sa pagsira ng kapaligiran – nang magtayo ang China ng artificial island sa South China Sea (SCS) na sumisira rin yamang tubig at pumipigil sa mga Pilipinong mangingisda na makapasok sa traditional fishing grounds.
Pinili ng korte na huwag tugunan ang reklamo, sa pagsasabing wala itong hurisdiksyon para sa naturang krimen dahil sa dalawang rason:
Una, hindi bahagi ang China ng Rome Statute, ang kasunduan na lumikha sa ICC, at samakatuwid ay hindi ito sakop ng ICC.
Ikalawa, walang karapatan ang Pilipinas sa pinag-aagawang bahagi, dahil ang territorial sea ay limitado lamang sa dalawang milya mula sa baybayin nito. Ang krimen umano ay nangyari sa loob ng 200-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ngunit hindi naman ito teritoryo ng Pilipinas.
May tiyak na karapatan ang Pilipinas upang paunlarin ang mga likas na yaman na nasa bahagi ng continental shelf na sakop ng EEZ. May tiyak itong prebilehiyo sa imigrasyon, sanitary, at customs enforcement sa lugar. Ngunit ang katubigang sakop ng EEZ ay international waters.
Ang sagot na ito ng ICC hinggil sa hurisdiksyon ay dapat na magtama sa pag-iisip ng marami sa ating mga opisyal ngayon, na inaakala na ang mga bahagi tulad ng Panatag o Scarborough Shoal at ang Reed Bank ay bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at samakatuwid, ay dapat natin itong ipagtanggol mula sa pag-aangkin ng ibang mga nasyon.
Sakop ang Panatag at Reed Bank ng ating Exclusive Economic Zone. May karapatan ang ating mga mangingisda na pumalaot sa Panatag lalo’t isa itong traditional fishing ground para sa mga mangingisda ng maraming bansa. May karapatan tayong gamitin ang langis at gas na makukuha sa Reed Bank, na napagdesisyunan nating paunlarin katuwang ang China, na may 60-40 na hatian mula sa inaasahang makukuha sa proyekto.
Pinalitan ng dating administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pangalan ng Philippine EEZ sa kanluran natin, at tinawag itong “West Philippine Sea.” Ngunit huwag tayong magkamali sa pagkokonsidera na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas, tulad ng karapatan ng pagkontrol sa paggamit dito ng mga dayuhang barko.
Tumanggi ang International Criminal Court na aksyunan ang kaso na inihain nina Del Rosario at Morales, sa pagsasabing hindi ito sakop ng kanilang hurisdiksyon dahil naganap ang krimen sa international territory. Isa itong kabiguan para kina Del Rosario at Morales ngunit hindi isang pagkabasura sa reklamo, iginiit nila. Sinabi ng ICC prosecutor, na bukas sila sa “new facts and evidence to proceed with the case and we are providing them.”Ang problema ay aling korte ang may hurisdiksyon lalo’t ang krimen ay sinasabing naganap sa bahagi ng international territory?
Mismong ang gobyerno ng Pilipinas ay walang parte sa kasong isinampa ng dalawang dating opisyal ng administrasyong Aquino, gayunman dapat na alalahanin ng ating mga opisyal ang basikong punto na inilabas ng korte –na ang 200-mile EEZ ay hindi teritoryo ng Pilipinas. At tanging ang dalawang milyang layo lamang ng katubigan mula sa baybayin ng ating mga isla.