“NILOKO ninyo ang mamamayang Pilipino. Ipupursige ko ang bagay na ito kahit ito lang ang magagawa ng administrasyong ito. Idedemanda ko kayo ng plunder,” wika ni Pangulong Duterte sa Manila Water Co. at Maynilad Water Services Inc. Pinagbabayad kasi ang ating gobyerno ng International Arbitration Court ng P11 billion— P7.4 billion sa pagkalugi ng Manila Water mula Hunyo 1, 2015 hanggang Nobyembre 22, 2019 at P3.6 billion, sa pagkalugi ng Maynilad. Pinigil ng gobyerno ang dalawa sa kanilang pagnanai na singilin sa mga consumer ang kanilang corporate income taxes bilang nagastos sa ilalim ng concession agreement. Dahil dito, nagsampa sila ng reklamo sa International Arbitration Court nang hindi sila payagang ipasa sa consumer ang kanilang corporate taxes. Ang P11 bilyon na iginawad sa Manila Water at Maynilad ay kabayaran sa pinsala at lugi na kanilang naranasan nang hindi sila pinahintulutan ng gobyerno na itaas ang kanilang singilin.
Pero, ayon sa Pangulo, kalokohang bayaran ito. Dahil lang sa nalugi sila, hindi, aniya, natin ito babayaran. Pero, ito ang nakukuha natin kapag ayaw nang magtrabaho ang gobyerno at ipaubaya na lang sa pribadong sektor ang pagganap ng mga batayang serbisyo. Trabaho dati ng gobyerno ang mamahagi ng tubig na ginagawa na ng Manila Water at Maynilad. Ang mga ito ang ginawaran ng kontrata ng gobyerno para sa tungkuling ito. Sila na ang namamahagi ng tubig sa Kalakhang Maynila at mga bahagi ng probinsiya ng Rizal at Cavite. Binansagan ito na pinakamalaking privatization sa buong mundo.
Napakahina nating bansa at iniiwan na ng mga ibang bansa sa kaunlaran. Kasi, ang mga polisiyang pinaiiral natin ay hindi magpapaganda ng ating ekonomiya at magkakalat ng yaman at biyaya ng ating bansa para abutin ang mga maliliit nating mga kababayan. Iilan lamang ang nakikinabang. Tignan ninyo iyang privatization. Ang tubig ay pinakamahalagang bagay sa buhay ng tao tulad ng pagkain. Pero, ginawa nang negosyo ang pamamahagi nito ng iilan. Halos iisa na rin ang nagmamamay-ari ng korporasyong kumokontrol ng distribusyon ng tubig sa labas ng mga lugar na nasa pamamahala ng Manila Water at Maynilad. Dahil nasa pribadong kamay ang pamamahala ng pagbibigay ng batayang serbisyo, sila ang nagdidikta ng halaga ng kanilang serbisyo. Hindi sila nakahandang magpalugi. Ang kumita, kung maaari ay itodo nila sa napakalaki, ang tanging gabay nila at gabay ng lahat nang mga nagnenegosyo. Kapag pinigil sila sa kanilang layuning ito, tulad ng ginawa ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad, idedemanda pa nila ang gobyerno. Itong privatization, deregulation tulad ng polisiya ng gobyerno sa mga dambuhalang kumpanya ng langis at import liberalization na siyang uri ng rice tarrification law ang magpapalobo sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo. Salot ang mga ito na magpapahirap sa mamamayan, na siya ngayong nangyayari.
-Ric Valmonte