DAPAT nang alisin ang martial law sa Mindanao. Ito ang rekomendasyon na isinumite ni Defense Sec. Delfin Lorenzana kay Pres. Rodrigo Roa Duterte. Binanggit niya ang assessment ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) na nagsabing nagawa na nila ang dapat isagawa roon.
Nagsalita sa Manila Overseas Press Club of the Philippines (MOPC) forum, sinabi ni Lorenzana na hindi na kailangan pa ang martial law sa Katimugan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan (peace and order).
Ganito ang pahayag ng puno ng DND sa harap ng mga mamamahayag ng MOPC: “Natiyak ng ating security forces na ang layunin ng martial law ay natamo na at ang umiiral na situwasyon sa buong Mindanao, kabilang ang Basilan, Tawi-Tawi, Sulu, ay malaki na ang ibinuti sapul nang malipol ang Maute fighters.”
Suportado ni Interior Sec. Eduardo Año ang rekomendasyon ni Lorenzana sa Pangulo. Para kay Ano, hindi na kailangang palawigin ang martial law sa Mindanao dahil sa bumubuting security situation doon.
Ang martial law sa Mindanao ay idineklara ni PRRD noong Oktubre 2017 at tatlong beses nang pinalawig. Ang huling extension ay matatapos sa Disyembre 31, 2019. Ayon kay Lorenzana, naniniwala ang mga pinuno ng AFP na wala nang kakayahan ang Maute Group at iba pang teroristang grupo na maglunsad ng Marawi-type attack sapagkat mahina na ang kanilang puwersa.
Samantala, may plano ang Communist Party of the Philippines (CPP) na maglunsad ng assassination sa ilang cabinet official ni PDu30 na nangunguna sa counter-insurgency ng Pangulo. Ibinunyag ni Maj. Gen. Antonio Parlade, AFP deputy chief of staff for civil-military operations, kabilang sa papatayin ng CPP ay sina Interior Sec. Eduardo Año, National Security Adviser Hermogenes Esperon, at National Commission on Indigenous Peoples Chairman Allen Capuyan.
Sinabi ni Parlade na maging siya ay nasa “hit list” ng CPP, kasama ang limang dating lider ng kilusang komunista na tumutulong sa gobyerno sa anti-insurgency campaign. Ang listahan ng CPP ay tinatawag na Oplan Hades, isang programa ng CPP, laban sa itinuturing nilang counter-revolutionaries.
Binanggit ang intelligence reports, sinabi ni Parlade na binago ng CPP ang kanilang hit list matapos buuin ng Pangulo ang isang National Task Force na naglalayong tuldukan ang lokal na labanan. Aniya, batid ng mga komunista na epektibo ang programa ng gobyerno. “Tinatamaan sila, nasasaktan sila.”
Sinabi ni Parlade na ang asasinasyon ay isasagawa ng NPA hit squad, ang Special Partido Unit. Hindi raw kasama sa CPP assassination hit list ang ating Pangulo.
Naniniwala si Parlade na magtatagumpay ang gobyerno sa paglipol sa communist insurgency sa taong ito kung ang recruitment o pangangalap ng mga estudyante na ginagawa ng communist front organizations ay titigil o masasawata.
-Bert de Guzman