INAMIN ng dating aktor at isa ng konsehal ngayon ng Paranaque City District 2 na si Jomari Yllana na nagkabalikan na sila ng dati niyang nakarelasyon noong disisais anyos palang siya na si Abby Viduya o Priscilla Almeda (noong nagpa-sexy na).
Matatandaang laman ng blind item hanggang sa tinukoy na ang mga pangalan nina Jomari at Abby na may relasyon ngayon at dahilan kung bakit binabatikos ngayon ang aktor ng ina ng kanyang mga anak na si Joy Reyes.
Sa pocket interview ni Jomari kahapon sa Annabel’s Restaurant ay inamin nitong muli silang nagkaroon ng komunikasyon hanggang sa nagkita mulo ni Abby nu’ng bumalik siya ng Pilipinas galing Canada.
Diretsong tanong namin kay Jomari kung sila na ulit ni Abby, “I’m in a relationship. Itago na lang natin sa pangalang (sabay tawa).”
Pinatunayan ng dating aktor ang kasabihang, ‘first love never dies?’
“First love never dies, ha, ha, ha, ganu’n ba ‘yun? Siguro nasa next chapter lang kami ng mga buhay namin ngayon. Meron din siyang (Abby) pinagdaanan, meron din akong pinagdaanan. Marami kaming napag-uusapan na medyo nahahawig sa aming mga nakaraan,”pagtatapat ni Jomari.
Paano sila nagkaroon ulit ng pag-uusap ni Abby.
“Nag-uusap kami nu’ng nasa ibang bansa siya, tapos when she came back, we started seeing each other,” sambit ni Jom.
JOMARI AT JOY, ISANG TAON NANG HINDI NAGSASAMA
Pinaklaro namin kung puwede silang magbalikan ni Abby na balik-showbiz na ngayon dahil may-asawa ang aktres samantalang si Jomari ay single dahil matagal nang napawalang bisa ang kasal nila ni Aiko Melendez.
“As far as I’m concerned, she’s legally single,” diretsong sagot ng konsehal.
Klinaro rin ni Jomari na walang overlapping na nangyari dahil Nobyembre 2018 pa nu’ng naghiwalay sila ng live-in partner niyang si Joy.
“I’d like to put in record na since November 2018, hindi na kami nagsasama at tahimik lang ‘yun (paghihiwalay nila).
“Although ‘yung paghihiwalay namin, ayoko ng detalye kasi maselan, although naghiwalay kami buntis siya. She’s 3 months pregnant sa bunso namin.
“’Yung settlement namin, nasa mababang court (Barangay) sa BF Homes, legal document naman ‘yan. Nandoon naman kung saan sila titira, ‘yung sustentong ibibigay ko, pag-provide ng mga kailangan for the kids and to her (Joy),”pagtatapat ni Jom.
Sa madaling salita, hindi totoong P1,500 lang ang sustento nito sa dalawa niyang anak na lalaki kay Joy.
Natawa muna ang dating aktor, “hindi ‘yun totoo, transportation, shelter, clothing, bills, utilities, lahat naman ‘yan, medical, may pirmahan. Legal documents ‘yan.
“Nitong nagkaroon kami ng settlement sa barangay, napagkasunduan din na hindi siya magsasalita nang hindi maganda sa social media during that time, pero nangyari nga.”
Sa madaling salita, may nilabag si Joy sa usapan nila ni Jomari sa barangay dahil nag-post siya ng paninira laban sa ama ng dalawa niyang anak.
Nabanggit din ni Jomari na kung siya ang masusunod ay gusto niyang mag-usap sila ng ina ng dalawa niyang anak sa maayos at tahimik na paraan at hindi ito ilabas sa publiko dahil menor de edad ang kanilang mga anak.
“Kung ilalagay mo sa legal, itong ginawang pagpo-post sa social media, mayroon itong tinatawag na cyber bullying kasi hindi siya sumunod sa settlement. Tapos ‘yung mga lumabas na interview, puwedeng libel kasi siniraan niya ako, hindi maganda on my part na sinabi niyang ‘may business ako na may karelasyon akong matanda raw,” diretsong pahayag ng konsehal.
Kasalukuyang nasa Amerika si Jomari nang lumabas ang panayam ni Joy sa isang entertainment website at hindi niya nabasa dahil wala siyang roaming pero ipinadadala ito ng staff niya at ng publicist niyang si Pilar Mateo thru Facebook messenger at viber.
“Actually, hindi ko binasa, natatanggap ko lang lahat at sabi ko nga kay Pilar, saka ko na lang sasagutin lahat pagbalik ko,” saad ni Jom.
For medical purposes ang dahilan ng pagpunta ni konsehal Jomari sa ibang bansa dahil pina-check niya ang kaliwang mata unti-unti na siyang nawawalan ng paningin.
“Stress ang dahilan nitong kaliwang mata ko, so kailangan kong ipa-check doon kasi kung hindi maagapan, mabubulag ako. May sinabi sa akin na ang best eye doctor ay nasa LA (Los Angeles), so hindi ko pa napuntahan.
“Dito na lang muna gagawin ang procedure kung kayang i-reverse. Pero bago mangyari, kailangan ayusin ko muna itong problema namin (ni Joy). Siguro kung mag-uusap kami, may mga eyewitness, kasi hindi puwedeng kaming dalawa lang. Gusto kong ayusin muna ito ng tahimik, kausapin ko siya.
“Or balikan ko ‘yung sa Barangay, baka kasi kailangang may i-update roon. Hangga’t maayos gusto ko kasi may mga anak kami. Mahal ko ‘yung mga anak ko,” pangangatwiran ni Jomari.
At ang unang ha k b ang na gagawin muna ni Jomari ay magpapadala siya ng formal letter kay Joy thru his lawyer para magkaharap sila para hindi na ito humantong pa sa korte dahil maraming kasong kakaharapin ang ina ng kanyang mga anak kapag hindi sila nagka-ayos na dalawa.
Samantala, bukas ang pahinang ito para kay Joy Reyes.
-REGGEE BONOAN