KINUMPIRMA ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Miyerkules na nagsumite na siya kay Pangulong Duterte na huwag nang irekomenda ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao. “It is time to go back to normal,”aniya.
Napasailalim sa batas militar ang buong Mindanao mula nang sumiklab sa lungsod ng Marawi, Lanao del Sur, ang digmaan na pinangunahan ng Maute group, na suportado ng international Islamic State movement, noong Mayo 23, 2017. Dahil aktibo rin sa ibang bahagi ng Mindanao ang iba pang rebeldeng grupo na kaalyado ng Maute, napagdesisyunan na buong rehiyon ang isailalim sa martial law.
Idineklarang tapos na ang digmaan sa Marawi noong Oktubre 23, 2017, limang buwan mula nang sumiklab ito, ngunit nagpatuloy ang pagpapatupad ng martial law hanggang Disyembre 2017. Muli itong pinalawig hanggang Disyembre 2018, at muli hanggang sa Disyembre 2019, upang masiguro. Ngayon, sinasabi ni Secretary Lorenzana na hindi na kailangan pa na muling palawigin ang batas militar, base na rin sa pagtataya ng militar at ng pulisya.
Malaki ang bahagi ng martial law sa kasaysayan ng ating bansa. Nakasaad ito sa 1935 Constitution at ginamit ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972, para umano mapatigil ang lumalawak na rebelyon ng mga Komunista ngunit pinaniniwalaan ng marami na para ito mapananatili ang kanyang kapangyarihan, lalo’t ng mga panahong iyon ay matatapos na ang walong taong termino nito, 1973. Pormal na inalis ni Marcos ang martial law noong Enero 17, 1981, halos walong taon mula nang lagdaan nito ang proklamasyon noong Setyembre 21, 1972. Gayunman, nanatili siya sa kapangyarihan at nanatiling na ilalim ng tinatawag na “authoritarian rule” ang bansa hanggang sa mapatalsik siya sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution noong 1986.
Bumalangkas ang bagong pamahalaan na pinamumunuan ni Pangulong Corazon C. Aquino ng bagong Konstitusyon na naratipika noong 1987 – ang ipinatutupad hanggang ngayon. Nanatili sa bagong konstitusyon ang martial law ngunit wala ang dagdag na kapangyarihan tulad ng dati, at kinakailangan pag-aralan at aprubahan ng Kongreso ang anumang pagpapalawig dito.
Ginamit ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang batas militar noong 2009 upang mapabilis ang pag-aresto nang walang warrant sa mga suspek ng massacre sa 57 biktima sa Maguindanao, kabilang ang 30 mamamahayag. At sinundan na ito ng pagpoproklama ni Pangulong Duterte matapos ang digmaan sa Marawi noong 2017 at tatlong beses nang napalawig.
Ngayong buwan, bago magtapos ang taon, kakailanganing aprubahan ng Kongreso ang anumang bagong pagpapalawig dito, ngunit nagdesisyon na si Secretary Lorenzana, bilang bahagi ng konsultasyon sa militar at pulisya, kasama marahil ng ilang pakikipagpulong niya sa Pangulo, na hindi na kailangan pang palawigin ang batas militar.
Nananatili pa ring aktibo sa ilang bahagi ng Basilan at Sulu ang ilang mga grupo tulad ng Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ngunit naniniwala ang pamahalaan na kontrolado na nila ito nang hindi umaasa sa martial law.
Ang desisyong ito ni Secretary Lorenzana ay sinuportahan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., kaya naman inaasahang matatapos na sa huling araw ng taong ito ang batas militar, bilang itinakda ng huling proklamasyon ng Kongreso.
Kumpiyansa ang administrasyong Duterte na ang panganib sa nakalipas at sa susunod na dalawang taon, ay kakayanin ng pamahalaan gamit ang mga pagpapaunlad na programa para sa Mindanao – at sa nalalabing bahagi ng bansa—nang hindi na nakasalig sa kapangyarihan ibinibigay ng batas militar.