ANG Climate change ang pinakamalaking banta sa pandaigdigang kalusugan sa ika-21 siglo, ayon sa World Health Organization (WHO).

Sa ulat na lumabas kamakailan, sinabi ng WHO na tungkulin ng mga health professional na protektahan ang mga tao mula sa epekto ng klima, paglaganap ng nakahahawang mga sakit, at ang epekto ng malnutrisyon gayundin kung paano lulunasan ang mga taong apektado ng sakit na cancer at ng iba pang mga ‘di- nakahahawang sakit na dulot ng polusyon sa kalikasan.

Layunin ng ulat na maitaas at maipalaganap ang kaalaman hinggil sa epekto sa kalusugan ng climate change.

Nanawagan din ang WHO sa global health community na tumulong sa panawagan para sa isang malakas, matatag at epektibong kasunduan hinggil sa problema sa pagbabago ng klima.

Hangad ng kasunduang ito na mabawasan ang climate change at mapaganda ang kalusugan sa mundo, kabilang ang pagbaba ng bilang ng mga kaso ng pagkamatay mula sa sakit na cancer at respiratory at cardiovascular na sakit na dulot ng polusyon sa hangin.

Tuon din ng kasunduan na makapag-ambag sa pagpapaunlad at implementasyon ng mga panuntunan sa paglilimita sa climate change at protektahan ang bansa, komunidad at lugar ng trabaho.

-Anadolu/PNA