TUNAY na ang kabutihan sa kapuwa ay may kapalit na biyaya.
Matapos na sagipin ng Pinoy surfer na si Roger Casugay ang katunggaling Indonesian na muntik nang malunod kamakalawa, muling nagkaharap ang dalawa sa longboard competition ng surfing sa 30th Southeast Asian Games, (SEAG) na ginaganap sa Kahuna beach sa San Juan La Union.
Sa pagkakataong ito, walang insidente bagkus pagdiriwang nang sungkitin ni Casugay ang gintong medalya sa nakamit na 14.50 puntos laban sa kababayan na si Rogelio Esquivel na tumapso lamang ng 14.20.
Si Casugay ang mismong surfer na nakilala sa social media dahil sa kabayanihan niyang ginawa sa pagsagip sa katunggaling si Arit Nurhidayat ng Indonesia.
Nilamon ng malalaking alon si Arit sabay ng pagtagas ng kanyang surfboard, sa ikatlong round ng kanilang sagupaan sa longboard men’s event noong Biyernes ng umaga, na kung saan ay piniling sagipin ni Casugay sa halip na ipagpatuloy ang kanyang kompetisyon para sa gintong medalya.
Ang 25-anyos na si Casugay ay una nang nakilala sa social media nang itampok sa isang television documentary ukol sa kanyang personal na buhay.
-Annie Abad