NASA fighting mood si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes. Sinabi niya na ang dalawang water concessionaires – ang Manila Water at ang Maynilad Water Services – ay matagal nang pinagloloko ang mamamayang Pilipino sa concession deals na kanilang nilagdaan sa gobyerno ay “ginatasan” ang mga Pilipino ng bilyun-bilyong piso.
Mabibigat itong mga kataga mula sa Pangulo na bihirang magalit nang ganito. “I will file economic sabotage and I will arrest them, all of them,” aniya. “I will let them experience how it’s like to go to jail…. I am sorry. I am ready to go but I won’t go without a bang. I will expose the rich who made money at the expense of the nation.”
Nagsalita ang Pangulo ilang araw matapos sabihin ng Manila Water, sa isang disclosure sa Philippine Stock Exchange noong Biyernes, na ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Singapore ay inatasan ang gobyerno ng Pilpinas na bayaran ang Manila Water ng P7.39 bilyon para sa apat na taong pagkalugi nito dahil sa pagsira ng gobyerno sa obligasyon nito.
Dalawang taon bago nito, inatasan ng korte ang gobyerno ng Pilipinas na i-reimburse ang Maynilad, ang isa pang water concessionaire, ng P3.4 bilyon sa lugi sa kita nito simula Enero 1, 2013, hanggang Marso 10, 2015. Ngunit ang Supreme Court ng Pilipinas, nitong nakaraang Agosto, ay pinagtibay ang kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pinaparusahan ang dalawang concessionaires na may pinagsamang multa na P1.8 bilyon sa paglabag sa Clean Water Act.
Matagal nang nananawagan si Buhay party-list Rep. Lito Atienza, dating alkalde ng Manila at dating kalihim ng DENR, sa dalawang water concessionaires na tuparin ang kanilang obligasyon na magtayo ng sewage systems para sa kanilang 14 milyong kustomer – dahil sa resulta na puno ng basura at dumi ng tao ang Manila Bay ay sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na aabutin ng 10 taon bago ito malinis.
Inakusahan ni Atienza ang dalawang kumpanya na kumikita ng malaki – kabuuang P138 bilyon mula sa 2006 hanggang Hunyo, 2019. Ang ilan sa mga kinita ay nagmula sa 20 porsiyento ng environmental charge at 30 percent sewer charge na kinokolekta nila mula sa customers, aniya, idinagdag na: “They should have fully invested the revenue from these charges to build sewage networks and wastewater treatment facilities.”
Nitong nakaraang Agosto, pinagtibay ng Supreme Court ang 2009 DENR order na nagmumulta sa dalawang concessionaires at sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng P1.84 bilyon sa combined fines at patuloy na magbayad ng arawang multa na P322,102, na tataas ng 10 porsiyentp sa loob ng dalawang taon, bukod pa sa legal interest na 6 percent per annum.
Kontra sa lahat ng legal decisions na ito sa Pilipinas, dumulog ang dalawang concessionaires sa Arbitral Court sa Singapore na nagdesisyon pabor sa kanila nitong nakaraang linggo, inatasan ang gobyerno ng Pilipinas na bayaran sila ng P7.39 bilyon.
Ngayon ay nagdeklara na si Pangulong Duterte na maghahain din siya ng kasong economic sabotage laban sa mga senador na pumayag sa kontrata. Inatasan niya si Solicitor General Jose Calida at Finance Secretary Carlos Dominguez III na magbalangkas ng bagong kontrata.
Ngunit ang banta ng Pangulo na ipakukulong ang mga opisyal ng water concessionaires ang dapat na abangan. Bihirang magalit nang ganito ang Pangulo. At hindi siya basta nagbabanta lamang.