MAHALAGA ang linggong ito para sa ng mga local media practitioner. Sa gitna ng mga pagsubok panganib na kanilang kinahaharap at panganib na dala ng mga teritoryo nilang binabantayan, daan-daan sa kanila ang nagtungo ng Kalibo at Boracay sa Aklan upang dumalo sa 24th PAPI National Press Congress.
Ang PAPI o ang Publishers Associations of the Philippines, Inc., ay isang malaking grupo na binubuo ng mga mamamahayag sa print, broadcast at online media communication.
Malayo mula sa isang pagtitipon-tipon upang makasama ang kanilang mga kapwa mamamahayag, tampok sa taunang PAPI ang gampanin ng mga lokal na mamamahayag sa pagpapaunlad ng bansa. Bagamat hinahangaan para sa kanilang malaya at matatalim na komentaryo, tinitingnan din sila bilang katuwang sa legislative decision-making.
Sa pagbuo ng mga batas na tutugon sa pangangailangan ng publiko, maaaring hingan ng tulong ng Kongreso ang press organizations bilang tagapayo o tagapagbahagi ng kanilang mainam na opinyon sa mahahalagang isyu na kalimitang nababahiran ng politikal na motibo.
Hindi lamang tungkulin ng media na ilantad ang mga problema ng lipunan. Sa kanilang propesyunal na pananw, tinitingnan ng media ang mga isyu mula sa iba’t iba nitong lente, isang bagay na hindi malayang nagagawa ng mga opisyal na nagnanais ng seguridad sa trabaho kumpara sa paglalabas ng anumalya.
Ang pagsasama sa media bilang kaagapay sa pagbuo ng mga batas ay malaking tulong para sa mga mambabatas upang maunawaan ang lawak ng impormasyon batid ng mga mamamahayag sa isang tiyak na isyu. Ang ‘sourcing’, bilang isang mahalagang bahagi ng trabaho, bitbit din ng mga lokal na mamamahayag ang iba’t ibang kaalaman at impormasyon na maaaring magamit sa pagtukoy kung saan direksyon dadalhin ang panukala.
Sa panahong ito ng fake news, trolls at social media, napakahalaga na magkaroon ng malalim na opinyon mula sa mga taong naghahanap ng makatotohanang balita. Bagamat may ilang, naliligaw na element sa kanila, maliit lamang ang kanilang bilang.
Kabalintunaan man na habang madalas na nagkakasama ang mga mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan sa mga miyembro ng media at nakahihingi ng kanilang tulong sa pagpapalimbag o pagpapahayag ng mga mahahalagang pagbabago, hindi sila isinasangkot sa pag-aaral ng mga mahahalagang bagay na direktang nakaaapekto sa pagtingin ng publiko.
Ipinakikita rin ng taunang National Press Congress ng PAPI na ang mga lokal na mamamahayag, bagamat namamasama minsan dahil sa mga maling akala, ay patuloy na naitatampok ang kanilang mga sarili bilang mahalagang bahagi ng lipunan at mainam na tagapaghatid ng mapagkakatiwalaan at tiyak na balita.
Kumpara sa kanilang mga kasama sa siyudad, ang mga lokal na mamamahayag ay kalimitang kumukuha ng pinakaubod sa paghahanap ng datos ng istorya sa mga probinsiya. Laging orihinal ang kanilang mga kuwento, isang bahagi ng pangangalap ng balita na hindi maikukumpara sa mga kuwento na nakahilig, nabawasan at nabago.
-Johnny Dayang