“Ang prangkisa ninyo ay magtatapos sa isang taon. Kung inaasahan ninyo na ito ay mauulit, ikinalulungkot ko. Hindi na ito mangyayari. Sisiguruhin ko na hindi na ito mangyayari. Marami kaming kandidato na kinuha ninyo ang aming pera, pero hindi ninyo inilabas ang aming propaganda. Ako, Chiz Escudero, lahat kami,” wika ni Pangulong Duterte sa oath-taking ceremony ng executive committee ng League of Municipalities of the Philippines sa Malakanyang nitong Martes. Nakabimbim sa Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN. Itinatakda ng Republic Act No. 3846 na lahat ng radyo at telebisyon ay kailangang kumuha ng prangkisa sa Kongreso.
Personal ang dahilan kung bakit nagbanta na ang Pangulo sa ABS-CBN laban sa pagnanais nito na makakuhang muli ng prangkisa. Bukod sa kinuha ng ABS-CBN ang kanyang pera, pero hindi naman inilabas ang kanyang propaganda, ineere naman ang kay Trillanes, na noon ay kandidato sa pagkapangalawang pangulo. Ang advertisement nito ay nagpapakita ng mga negatibong reaskyon ng mga bata sa video clips ni Duterte na inaalipusta si Papa Francis at sa biro niya hinggil sa gang rape at murder ng misyonaryong Australyana nang mag-riot ang mga preso sa piitan sa Davao City noong 1989. Noong 2017, inakusahan ng Pangulo ang network na hindi makatarungan ang pag-uulat sa kanya at sa kanyang malupit na war on drugs.
Marahil kailangang ipaalaala sa Pangulo na ang kanyang kapangyarihan ay kapangyarihan ng taumbayan. At ito rin ang dapat na maintindihan ng mga mambabatas na nais nang pangunahan ng Pangulo sa pagkakait ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN. Kapag nangibabaw ang Pangulo sa kanyang layunin at sundin siya ng mga mambabatas, hindi lang ang ABS-CBN ang kanilang pinipinsala. Ang pinipinsala nila mismo ay ang mamamayan na nagkaloob sa kanila ng kapangyarihan. Ang tunay na epekto ng kanilang gagawin ay pagkaitan ang taumbayan ng armas. Pipilayan nila ang mga ito sa paggamit ng kanilang karapatan, ang karapatang makaalam at karapatang magpahayag nang matino at makatwiran. Totoo, hindi lang ang ABS-CBN ang tagalako ng mga balita at ideya, na kapag hindi inaprobahan ang prangkisa nito, ay mayroon namang iba pa na ganito rin ang tungkulin. Pero, sa demokrasya, ang mahalaga ay kumalat ang lahat ng mga balita, ideya at opinyon. Hayaan ang mga ito na magpingkian, dito makakakita ang mamamayan ng liwanag at katwiran. Alisan mo ang ABS-CBN ng pribelehiyo para makipagtagisan ng impormasyon at opinyon, malilimitahan ang “market of ideas.” Malilimitahan din ang karapatan ng mamamayan na makaalam at makapahayag. Mapanganib sa demokrasya ang gagawin ni Pangulong Digong sa ABS-CBN. Gawain ito ng isang lider na takot sa taumbayan.
-Ric Valmonte