NAKAMIT ni Jermyn Prado ang ikatlong gold medal ng cycling team nang magwagi sa women’s individual time trial sa pagsisimula kahapon ng road race event sa cycling competition ng 30th Southeast Asian Games sa Tagaytay City.
Tinapos ni Prado ang 23.1 kilometrong ruta na nagsimula sa bayan ng Nasugbu sa Batangas at nagtapos sa The Praying Hands Monument sa Tagaytay sa tiyempong 44 na minuto at 44.742 segundo.
Pumangalawa sa kanya si Luo Yiwei ng Singapore para sa silver medal matapos maorasan ng 44:48.518.
Nakopo naman ng rider na si Somrat Phetdarin mula Thailand ang bronze sa naitala nitong oras na 44:58.152.
Sinikap ni Prado na doblehin ang kanyang bilis palapit sa finish line na naging dahilan ng pagkapagal ng kanyang katawan.
“Talagang tinodo ko na po eh. Sobrang hirap. Pero sulit naman lahat ng sakripisyo po namin. Sobrang saya po,” pahayag ng Philippine Navy-Standard Insurance Continental Team rider na si Prado.
“Inall-out ko na po lahat kasi naniniwala po ako na walang bukas,” aniya.
“Binigay ko na po yung best ko kasi sabi ng coach ko di na baleng mamatay, wag lang mapahiya sa sariling bansa.”
Ang gold ni Prado ang ikatlo ng mga siklistang Pinoy kasunod ng panalo nina Lea Denise Belgira at John Derick Farr sa mountain bike.
Bigo namang umabot ng podium ang isa pang Pinay rider na si Marella Salamat na tumapos na pampito sa tiyempong 45:59.275.
Habang sinusulat ang balitang ito, lumalaban naman sa men’s ITT sina Mark John Lexer Galedo at Ronald Oranza.
-Marivic Awitan