ANG problema sa patuloy na nadaragdagang gabundok na basura ng plastic sa buong mundo sa kasalukuyan ay resulta ng mga taon ng pagwawalang bahala sa mga kilos ng tao. Sa simula, pinuri ang plastic bilang bagong materyal para sa pagbabalot, packaging, retailing at pagpe-preserba ng lahat ng uri ng produkto—tulad ng pagkain, gamot, inumin, at karaniwang gamit sa tahanan. Pinalitan nito ang papel, tela, leather, kahoy at iba pang natural na materyales. Mabilis itong gawin at hindi nauubos ang suplay.
Ang mga papel, kahoy, tela at iba pang natural na materyales ay nabubulok at bumabalik sa lupa upang maging bagong halaman, na nagiging pagkain naman para sa mga hayop. Sa paglipas ng panahon, ang mga hayop din ay bumabalik sa lupa, na humahalo at nagiging bahagi ng bagong halaman at mga hayop.
Ngunit hindi ganito ang plastic. Ang imbensyong ito ng tao ay hindi sumusunod sa natural na ayos ng pagkabulok sa paglipas ng panahon. Dahil dito, mainam na gamit ito sa pagtatabi ng pagkain at inumin, gamot at iba pang pangangailangan ng tao para sa mahabang panahon. Napakagaling ng produktong ito, na ayon sa mga siyentipikong pag-aaral ay maaaring tumagal ng hanggang 450 taon. Kaya naman ang mga plastic na nagamit ilang dekada na ang nakalilipas ay nananatili hanggang sa kasalukuyan, hindi nabago ang materyales at hugis. At nagiging bundok ng basura sa mga lupain at karagatan.
Sinasabing natatambak sa karagatan ng mundo ang iba’t ibang uri ng plastic—ang mga bote at takip nito, wrapper at mga bag, plastic na kutsura at tinidok, stirrer, at straw, mga pakete sa pagtitinda ng mga tabletas na medisina, upos ng sigarilyo. At ang Pilipinas din ang ikatlong pinakamalaking pinagmumulan ng basurang plastic sa kasalukuyan, sunod sa China at Indonesia.
Ang pangunahing gumagamit ng plastic sa kanilang mga produkto—karamihan sa mga pagkain at gamot—ay nagising na sa katotohanan at nangako na ititigil na ang paggamit ng plastic sa takdang panahon. Isa-isa na ring tumitigil ang mga restawran sa mundo sa paggamit ng mga single-use plastic tulad ng straws, kutsara at tinidor.
Nitong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pag-apruba ng Ordinance 2876 na nagbabawal sa paggamit ng lahat ng uri ng disposable plastic sa mga restawran at pamilihan sa lungsod. Nagdesisyon ang lokal na pamahalaan na gawin ang bahagi nito sa pagresolba ng problema sa plastic. Kung lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa at sa buong mundo, kasama ng bawat indibiduwal at mga pamilya ay susunod at gagawin ang kanilang ambag, hindi na madaragdagan pa ang gabundok na basura ngayon sa ating mundo.
Kasunod nito maaari ring umaksiyon ang mga siyentista at gumawa ng paraan upang matunaw o mabulok ang mga plastic na natambak ngayon sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Maaari rin silang lumikha ng biodegradable plastics – hawig sa nakasanayang ginagamit, ngunit may malaking kaibahan—tulad ng kahoy at papel, nabubulok sa paglipas ng panahon at kalaunan ay nagiging parte ng natural na ayos ng kalikasan.
Maaaring malayo pa ito sa hinaharap. Kailangan natin ang mas maraming lokal na pamahalaan tulad ng Quezon City, gumagawa ng mga pagkain at medisina at iba pang produkto na ititigil na ngayon—ang pagbebenta ng mga produkto na gumagamit ng anumang uri ng plastic. Kung ang hakbang na ito ay makakakuha ng matinding suporta sa mundo, ito na ang magiging simula ng solusyon ng problemang ito sa kasalukuyan.