EWAN kung nagbibiro na naman si Pres. Rodrigo Roa Duterte o isa na naman itong hyperbole (Attention: Spox Panelo) nang ihayag na gusto niyang ang bagong Hepe ng Philippine National Police (PNP) ay dapat na matapang na papatay sa lahat ng drug lord sa Pilipinas.
Kung totoo ito, sigurado akong sasang-ayunan siya ng sambayanang Pilipino na hangad ding malipol ang illegal drugs sa bansa. Hindi mapigil-pigil at masawata ang paglaganap ng salot na ito sapagkat may mga drug lord, big-time narcotic trafficker, smuggler at supplier, na nagdadala at nagsusuplay ng shabu sa ‘Pinas.
Hindi tututol marahil ang taumbayan kung ang itutumba ng mga tauhan ng PNP at vigilantes ay mga drug lord, at hindi mga ordinaryong drug pushers at users na biktima rin ng mga Panginoon ng Droga, Dambuhalang Narcotic Trafficker, Smuggler sa Bureau of Customs at New Bilibid Prisons.
Napakasimple lang naman ng paglutas sa problema ng illegal drugs sa bansa. Kung walang suplay na shabu at iba pang iligal na droga, walang maitutulak ang pushers at walang magagamit ang users. Ergo, ang dapat pagtuunan ng Duterte administration ay ang paglipol sa drug lords, traffickers, smugglers at suppliers na karamihan umano ay mula sa China at sa tinatawag na Golden Triangle.
Ang hindi matanggap at maunawaan ng mga Pinoy ay ang madugong giyera ni PRRD sa illegal drugs na halos ang napapatay ay ordinaryong pushers at users lang dahil NANLABAN umano, at napakakaunti lang ng naitutumbang big-time drug lords at smugglers.
Libu-libo na ang napatay na tulak at adik sapul noong 2016, pero ayon sa ulat, hanggang ngayon ay patuloy sa pagdami ang gumagamit ng illegal drugs .Ang dahilan nga ay patuloy ang pagdadala ng shabu sa ‘Pinas ng mga demonyong tao na ang pinagkakakitaan ay limpak-limpak na salapi mula sa illegal drugs.
Hanggang ngayon ay aminado ang ating Pangulo na nahihirapan siyang makapili ng bagong PNP Chief kapalit ni General Oscar Albayalde na nasangkot sa “ninja cops.” Nais niyang ang bagong Hepe ay patuloy na magsusulong sa war on drugs at papatay ng drug lords. Tama ito bagamat ang pumatay ay masama. Dapat ay bigyan ng pagkakataon at due process ang sino mang lumabag sa batas.
Kinakaibigan ni Mano Digong ang China. Kaibigan ang turing niya kay Chinese Pres. Xi Jinping. May ulat sa isang English broadsheet ng ganito: “Rody says he refused cell phone from China.” Bakit Mr. President? Ayon sa Presidente, inalok siya ng China ng hack-proof mobile phone ngunit tinanggihan upang hindi pagbintangang siya’y may sikreto o itinatago.
Magkaiba talaga sina PRRD at Vice Pres. Leni Robredo sa ilang mga isyu, laluna ang tungkol sa illegal drugs. Kamakailan, hinirang siya bilang ICAD co-chairperson subalit agad ding tinanggal matapos makipagpulong sa mga kinatawan ng UN Office of Drugs and Crime at mga opisyal ng US Embassy.
Sa pagresolba sa illegal drugs, ang isinusulong ni PDu30 ay giyera sa drug pushers, users, lords. Ang isinusulong naman ni VP Leni ay lutasin ang problema sa pamamagitan ng paghuli sa kanila, walang patayan (no senseless killings), rehabilitasyon at harapin ang illegal drugs sa bansa bilang isyu ng kalusugan, kahirapan at pagbibigay ng pagkakataon sa pushers at users na magbago habang itinutugis naman ng PNP at PDEA ang mga drug lord, trafficker, smuggler na may mga kasabwat sa NBP at BoC).
-Bert de Guzman