SALAMAT kay amihan o northeast monsoon na nagdudulot ng mga pag-ulan upang ang antas ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan ay umangat at maging 188.14 metro noong Biyernes. Sa pagsubaybay ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (BPDRRMO), lumitaw na mula sa 187.80 metro noong Martes at 188 metro noong Miyerkules, tumaas ang water level ng dam sa 188.14 metro o pagtaas ng 0.34 metro sa nagdaang tatlong araw.
Ipinaliwanag ng PDRRMO na ang water level noong Biyernes ay 8.14 metro na mas mataas sa minimum operating level na 180 metro. Ito ay 23.86 metro na mababa sa ideal level na 212 metro. Habang sinusulat ko ito, papalapit ang bagyong Kammuri (international name), na magiging Tisoy ang pangalan kapag dumating na at lumapag sa bahagi ng Pilipinas.
Panalangin ng mga Pinoy na hindi sana magdulot ito ng pinsala at malakas na pag-ulan sa mga lugar na pagdarausan ng 30th Southeast Asian Games (Sea Games) na ang Pilipinas ang host. Sana ang ulan ay tumama sa mga lugar o bayan na nangangailangan ng tubig para sa bukirin o kaya naman ay sa Angat Dam para matamo ang ideal water level na 212 metro.
Ayaw tantanan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Vice Pres. Leni Robredo kaugnay ng pagkakatalaga niya rito bilang drug czar o co-chairperson ng Inter-Agency on Anti- Illegal Drugs (ICAD). Dahil sa kawalan ng tiwala kay Robredo, sinibak siya ng Pangulo gayong 19 araw lang siyang nasa puwesto at hindi pa nag-iinit sa upuan.
Sa kanyang banat kay beautiful Leni, sinabi ni Mano Digong na “she made an a**hole of herself.” Siya raw ay handa sa ano mang pagbubunyag ni VP Leni tungkol sa isinusulong niyang drug war sapul noong 2016. Ayon sa mga report, labis na ikinainis ni PDu30 ang pakikipagpulong ni Leni sa mga opisyal at kinatawan ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNOD), US Drug Enforcement Agency at iba pang mga grupo at indibiduwal.
Balak din sana ni Robredo na makipagpulong sa mga Embahada ng Japan, Thailand, Australia at iba pa para makakuha ng mga tips hinggil sa pagbaka sa illegal drugs. Ang nais ng Bise Presidente ay “zero killings” o “no to senseless killings” sa giyera sa iligal na droga. Ang gusto niya ay masugpo ang salot na ito sa pamamagitan ng paghuli sa mga drug pushers at users at sila ay dalhin sa rehabilitation centers para gumaling at magbagong-buhay.
Salungat ang pamamaraang nais niyang ipatupad bilang ICAD co-chairperson sa pamamaraan ni PRRD. Hangad niyang tratuhin at ituring ang problema sa illegal drugs bilang health problem at kahirapan, hindi police matter na pagpapatayin ang mga tulak at adik.
Humingi rin siya ng listahan o narco-list ng high-value drug lords, traffickers, smugglers, suppliers para makagawa ng epektibong paraan upang sila’ymahuli o masawata sa pagpupuslit ng bultu-bultong shabu at iba pang iligal na droga. Hindi siya pinagbigyan ng PDEA, PNP at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Niliwanag ni presidential spokesman Salvador Panelo na tinanggal ng Pangulo si Robredo bilang ICAD co-chairperson dahil sa “missteps” o mga maling hakbang. Binira niya ang mga kritiko na gumamit sa pahayag ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na walang nagawang “missteps” ang pangalawang pangulo kaugnay ng pagpapatupad sa batas.
Samantala, kailangan ng bansa ang suporta ng sambayanang Pilipino sa isinasagawang Sea Games. Bilang host sa palaro, dapat magkaisa ang mga mamamayan sa pagpapakita ng hospitality na kilalang tatak-Pilipino sa buong bansa. Hintayin na lang nating matapos ito at abangan ang paliwanag ni Speaker Cayetano hinggil sa umano’y mga aberya ng Sea Games.
-Bert de Guzman