INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes ang panukalang National Budget Bill para sa 2020 nitong Setyembre 20 at agad na ipinasa sa Senado. Nitong Nobyembre 27, inaprunahan na ng Senado ang bersyon nito ng nasabing panukala.
Bago magtapos ang taon, kailangang maaprubahan ng Kongreso ang pinal na bersyon ng panukala at maipasa ito sa Malacañang upang malagdaan ni Pangulong Duterte at maging handa ang budget para sa implementasyon nito sa unang araw ng taong 2020.
Determinado ang lahat ng mga opisyal na sangkot na maiwasan ang naranasang pagkaantala sa 2019 National Budget Bill. Dapat itong naaprubahan noong Disyembre 2018, ngunit nabalahaw ito dahil sa ‘di pagkakasundo sa pagitan ng mga kongresista at mga senador, dahilan upang April 2019 na ng maipatupad ito. Bilang resulta sa pagkaantala, lahat ng mga programa at proyekto na nakatakda mula Enero hanggang Abril 2019 ay hindi naimplementa.
Determinado ang ating mga opisyal na maiwasan ang katakut-takot na karanasan sa 2020. Ngunit ngayon, kailangang maresolba ng mga senador at mga kongresista ang kanilang mga ‘di pagkakaunawaan hinggil sa naturang budget bill. Gagawin nila ito sa bicameral meeting na nagsimula na nitong Biyernes.
Iminungkahi ng bahagi ng Senado sa Conference Committee na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara ang ilang realignments sa budget bill, pinakamalaki rito ang P35 billion para sa Department of Public Works and Highways. Mayroon din mungkahing pagbabago para sa budget ng Departments of Transportation, Education, National Defense, Information and Communications Technology, Agriculture, Health, at pondo para sa government corporations.
Isusulong naman ng Kamara sa pangunguna ni Rep. Isidro Ungab ng Davao City ang sarili nitong pagbabago, na pangungunahan ng isang augmentation ng P3.5 billion para palay procurement. Sinabi ni Congressman Ungab na nakikita nila ang mahaba-habang talakayan para sa mga mungkahing pagbabago mula sa Senado.
Ngunit, tulad sa nakalipas, ang pinakamalaking isyu dito ay ang umano’y “pork barrel” sa mga lump sums na walang tiyak na detalyeng paggagamitan sa panukala ng Kamara. Ito ang isyung nagpaantala sa budget nitong nakaraang taon.
Tiwala tayo sa ang lahat ng mga opisyal na sangkot ay determindong maiwasan ang pagkaantala tulad noong nakaraan taon. Ngayong taon, ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang Senado ang naglagay ng maraming pagbabago—kabuuang P235 billion sa mungkahing P4.1-billion na National Budget. Karamihan sa mga mungkahing pagbabago ay mainam naman at umaasa tayo na maipapasok ang lahat ng mga pagbabagong kailangan ng Kongreso upang maipagtibay ang pinal na bersiyon ng Budget Bill bago matapos ang taon.