BUMAWI sa kanyang naging kabiguan noong Linggo ng umaga si Jones Inso nang magwagi ito ng silver kahapon sa men’s taolu taijijian ng wushu competitions sa World Trade Center sa Pasay City.
Nakatipon si Inso ng 9.65 puntos upang tumapos na pangalawa para sa silver medal upang makabawi sa fourth place finish nya sa men’s taijiquan sa pagbubukas ng kompetisyon.
Nagwagi naman ng ikalawa nyang gold medal si Choon How Loh ng Malaysia matapos makatipon ng iskor na 9.68 habang pumangatlo naman si Hosea Wong Zheng Yu ng Brunei para sa bronze sa nakuha nyang iskor na 9.60.
Nanggaling naman ang dalawang silver medals sa figure skating sa pamamagitan nina Alisson Perticheto at Christopher Caluza sa free skate event ng kompetisyon sa SM Megamall Skating Rink.
Nagtala ang 2017 SEA Games bronze medalist at Fil-Swiss skater na si Perticheto kabuuang iskor na 132.76.
Pumangalawa sya kay Chloe Ing ng Singapore na nagtala naman ng iskor na 152.67 habang tumapos na pangatlo sa kanila si Savika Refa Zahira ng Indonesia na nakalikom ng 100.80 puntos para sa bronze.
Nagwagi din ng silver si Caluza na nagposte ng kabuuang 180.22 puntos sa men’s free skate.
Naungusan sya ni Julian Yee ng Malaysia na nakakuha ng iskor na 202.62 para sa gold habang pumangatlo sa kanila si Micah Kai Lynette ng Thailand para sa bronze matapos makatipon ng 174.06 puntos.
-Marivic Awitan