PINAYUHAN ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Vice Pres. Leni Robredo na huwag tumakbo sa panguluhan sa 2022. Maging ang anak niyang si Davao City Sara Duterte ay pinayuhan ding huwag kumandidato.
Bilang tugon, sinabihan siya ni Robredo na malayo pa ang 2022 kaya ang dapat gawin ni Mano Digong ay magtuon ng atensiyon at trabaho para malipol ang illegal drugs na pangako niya sa taumbayan noong pang 2016. Hanggang ngayon, sabi ni VP Leni, ay laganap pa rin ang iligal na droga at dumarami pa ang drug pushers at users kahit libu-libo na ang napatay ng mga pulis at vigilantes.
Mukhang mauulit sa Pilipinas ang kasaysayan. Noong 1985 presidential snap elections, itinuring ni ex-Pres. Ferdinand Marcos si Cory Aquino, biyuda ni ex-Sen. Ninoy Aquino, na “a mere housewife.” Walang alam sa pamamahala, walang kakayahan. Ibinoto ng mga tao si Tita Cory, pero talo siya sa bilangan, dahil dito, nagalit ang mga tao at siya’y pinatalsik sa trono noong Pebrero,1986 sa pamamagitan ng People Revolt sa pamumuno nina ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex-AFP vice chief of staff at PC-INP chief Fidel V. Ramos.
Ngayon naman, sinabi ni PRRD na hindi dapat tumakbo si VP Leni sa 2022 presidential elections dahil wala siyang kakayahan sa pamamahala. Malimit niyang maliitin si Robredo. Noong Oktubre, nanawagan siya sa mga tao na huwag iboto si Leni kapag kumandidato sa 2022. “Wag kayong boboto diyan kay Leni.”
Bilang reaksiyon, sinabi ng Bise Presidente na kung siya si PDu30, lalo pa niyang hihikayatin at isusulong na tumakbo ang kalaban para matalo. “Kung galit ka sa isang tao, pipilitin mo siyang tumakbo. So, kung galit ka sa akin, mabuti pang sabihin mo, ‘Go, run, so you’ll lose.’”
Dagdag pa ni VP Leni na ginagawa siyang “Flavor of the Month” ng Pangulo. Madalas siyang siraan at atakihin. “How many hours does President Duterte devote to attack me? But we never respond to vulgarity. We never respond to things that won’t do us good. But if there are lies, we will respond.”
May mga nagsasabing medyo delikado ang pakikipagbangga ni VP Leni sa ating Pangulo. Bakit kanyo? Makapangyarihan ang sangay ng Ehekutibo. Tandaang may nakabimbing protesta si ex-Sen. Bongbong laban kay Robredo. Tandaan ding ang buong Kamara ay alyado ng Presidente. Maaari siyang ipa-impeach.
Habang sinusulat ko ito, marami nang medalyang ginto ang napapanalunan ng mga atletang Pinoy sa Sea Games. Sana ay patuloy tayong manalo at ipakita sa buong mundo na talagang mahuhusay at magagaling ang ating mga manlalaro.
Kalimutan muna natin ang “Kaldero” ni Speaker Alan Peter Cayetano na P50 milyon ang halaga, ang almusal na kikiam, sinangag at itlog (Kisilog), bagkus ang ipakita natin sa mga atleta mula sa Southeast Asia ay ang tatak-hospitality at kabutihang-loob ng mga Pilipino. Mabuhay tayong lahat!
-Bert de Guzman