KUNG hindi dahil sa mga bandilang kanilang iwinawagayway, tila iisa lamang ang pinagmulan ng iba’t ibang grupo ng mga atleta na nagmartsa sa malawak na entablado ng Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan nitong Sabado.
Mula ang mga atleta sa mga bansa ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor Leste, Vietnam at Pilipinas. Ngunit kaiba rito—ang kanilang itsura, tindig, ngiti at sigla—walang dudang sila ay mga tao na nagmula sa iisang rehiyon sa mundo, ang Southeast Asia. Kaisa sila ng libu-libong mga Pilipino na nakatayo sa stadium upang salubungin sila sa pagbubukas ng Southeast Asian Games ngayong taon.
May iisang pagkakaunawaan ang mga tao ng Southeast Asia. Pinaghiwalay man sila, ilang siglo na ang nakaraan ng mga mananakop mula sa ibang panig ng daigdig, dahilan upang sa kasalukuyan ay magkaroon ang mga ito ng makakaibang politikal na sistema, paniniwala at tradisyon at kaugalian, bukas ang bawat isa sa kahandaang makipagtulungan sa kabila ng mga panlabas na pagkakaiba. Ito ay sa kabila ng mga makasaysayang tagpo na itinulak ng mga kolonyal na kapangyarihan—ang British sa Malaysia, Singapore, Myanmar at Brunei; ang mga Dutch sa Indonesia; France sa Vietnam, Laos at Cambodia; Portugal sa Timor Leste; at mga Espanyol at Amerikano sa Pilipinas. Tanging ang Thailand lamang ang bansa na hindi napasailalim ng kolonyal na pamamahala.
Ito ang nagbibigay ng katangian sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang maging matatag bilang isang pandaigdigang samahan. Ngayon nakamit ng ASEAN ang kasunduan sa pagsang-ayon ng lahat (consensus) at hindi sa pamamagitan ng nagkakatalong boto.
Ang katulad na diwa ng pagkakaisa rin ang namutawi sa pagsasama-sama ng mga atleta ng Southeat Asia nitong Sabado at ngayo’y naglalaban-laban sa iba’t ibang mga sports. Sa wika ni Speaker Alan Peter Cayetano, pinuno ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee, sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng laro nitong Sabado, “We gather as children of God, seeking to build a better world.”
Sa mga susunod na araw, tatakbo ang 2019 Southeast Asian Games kung saan nasa 9,800 atleta ang maglalaban-laban sa 530 events para sa 56 na sports. Hangad nila ang pansariling tagumpay gayundin ang kolektibong pagkilala para sa kanilang bansa. Maibabahagi rin nila ang kaalaman na silang lahat ay mga tao mula sa bahaging ito ng daigdig—ang Southeast Asia.
Sa pagbubukas ng laro, dumating sila kasama ang kani-kanilang mga pambansang grupo, bitbit ang kanilang mga bandila, sa kasuotang pagkakakilanlan ng kanilang bansa. Sa mga susunod na araw, makikipaglaban sila para sa indibiduwal na ginto, pilak at tansong medalya, umaasang makakamit ang pinakamaraming panalo para sa kanilang bansa.
Kasabay nito, makikipamuhay at makikitungo sila sa ating mga Pilipino, makikibahagi sa pang-araw-araw na karanasan, kasama ang pananalasa ng bagyo.
Sa pagtatapos na seremonya sa Disyembre 11 sa New Clark City Atletic Stadium sa Capas, Tarlac, magmamartsa ang lahat bilang iisa—hindi na pinaghihiwalay ng kanilang mga bansa—sa kanilang pamamaalam sa kanilang mga host, na sa kabila ng pakikipaglaban sa isa’t isa, ay nagkakaisa sa diwa ng palarong ito ng rehiyon sa temang “We Win as One.”