“AKO ay nagulat na mayroong ganitong technology na pwedeng pabagsakin ang buong grid kahit nasa malayo ka, at lalo akong nagulat na wala tayong ginawa para maremedyuhan ito,” wika ni Senator Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Energy sa mga mamamahayag. Ang 40 porsyento kasi ng National Grid Corporation (NGCP) ay pag-aari na ng State Grid Corporation ng China.
Ayon kay Melvin Matibag, pangulo ng National Transmission Corporation (TransCo) na pinatatakbo ng gobyerno, ang grid ay posibleng makontrol mula sa malayo. Inihayag, niya ito sa pagdinig ng Senado hinggil sa badget nitong nakaraang linggo. Kaya, naghain ng hiwalay na resolusyon sina Sen. Gatchalian at Risa Hontiveros sa senado na naglalayon ng security audit at imbestigasyon sa operasyon ng NGCP. “Ang imbestigasyon ay mahalaga para malaman ng Kongreso ang operasyon ng grid at masiguro ang pananagutan ng NGCP sa pagtupad niya ng tungkulin bilang system operator,” paliwanag ni Gatchalian. Aniya, marami nang pagdinig na ginawa ang Senate Energy Committee at joint congressional energy commission na nagpapakita ng pagkabahala hinggil sa operasyon ng NGCP, na nakakaapekto sa kalidad, tiwala at kasiguruhan ng supply ng electric power. Dahil nga sa 40 porsiyento ng NGCP ay pag-aari na ng State Grid Corporation ng China, nais ng Resolution No. 22 ni Gatchalian ang mga kasagutan tungkol sa kakayahan ng China na pakialaman ang power system ng bansa by remote control.
“May mga security issues, pero kaya na ng militar ang mga ito. Alam ko na walang tiwala ang mga Pilipino sa China. Pero, naniniwala ako sa kanila. Nanalig ako sa kanilang salita,” wika ni Pangulong Duterte nitong Huwebes ng gabi nang magsalita siya sa unang pagkakataon tungkol dito. Simpleng aksyon iyan ay mapapabagsak na ang grid, ayon sa Pangulo. “Ako? Ang tower? Pasabugin lang ito, putulin lang ang kable, tapos na,” sabi pa ng Pangulo. Pero, kapag ginawa ito ng China, pananakop na ito. Ang pinoproblema ng dalawang Senador ay iyong sinabi ng Pangulo ng TransCo na ang grid ay puwedeng makontrol remotely. “Hindi masasabi na wala itong batayan. Ito na ang isyu noon pang una. Maaaring magkatotoo na magagawa nila ito dahil digital ang uri ng sistema,” wika ni Energy Secretary Alfonso Cusi.
Bakit hindi na lang makinig muna ang Pangulo at kumuha ng gabay sa magiging bunga ng imbestigasyon, sa halip na pangunahan ito? Ang mga nagsasabi na puwedeng masabotahe ang linya ng kuryente sa buong bansa habang nasa malayo ang nanabotahe ay alam ang isyu dahil may kaugnayan ito sa kanilang trabaho. Ang mas malaking isyu ay ang seguridad ng bansa. Puwede bang sa tiwala lang ng Pangulong Digong sa China iasa ang seguridad ng sambayanang Pilipino? Nakataya pa ba rito ang kapakanan ng mga susunod na henerasyon? E, trial and error ang alam ni Pangulong Duterte na paraan sa paglutas ng mga suliraning pambayan.
-Ric Valmonte