NI Edwin Rollon
SUBIC, Zambales — Tinugunan ng atletang Pinoy ang suporta at pagkalinga na ipinadama ni Pangulong Duterte sa dominanteng ratsada sa unang araw ng kompetisyon sa 30th Southeast Asian Games.


Gumawa ng kasaysayan ang Pinoy sa triathlon nang walisin ang men’s and women’s event para salubugin ang magandang umaga ng Linggo sa halik ng tagumpay, habang sumayaw sa limang gintong medalya ang dance sports delegation at naitala ni Agatha Wong ang back-to-back title sa taijiquin.
Sa opening ceremony Sabado ng gabi, mismong ang Pangulong Duterte ang nagdeklara ng pagbubukas ng biennial meet na sinimulan sa makapanindig balahibong palabas, tampok ang pagsindi sa ‘cauldron’ nina world eight-division champion Manny Pacquiao at World amateur champion Nesthy Petecio.
Maging ang Pangulong Duterte ay naindak nang pumarada ang Team Philippines sa saliw ng tugtuging ‘Manila’ na pinasikat noong dekada 80 ng bandang Hotdogs.
Ang kasiyahan at inspirasyon na hatid ni Pangulong Duterte at sports icon na sina swimming champion Eric Buhain at Akiko Thompson, bowling greats Bong Coo at Paeng Nepomuceno, basketball star Alvin Patrimonio, Olympic boxing silver medalist Onyok Velasco, billiards master Efren ‘Bata’ Reyes at Sprint Queen Lydia De Vega Mercado na nagwagayway ng SEAG Federation flag at nadugtungan sa tagumpay ng atleta sa field.
Sinalubong ng malalakas na hiyawan sa finish line ng Subic Bay Boardwalk sina John “Rambo” Chicano at Andrew Kim Remolino sa isa pang 1-2 finish sa men’s triathlon.
Sa 2017 edition sa Kuala Lumpur, Malaysia, winalis din ng Pinoy ang kompetisyon sa tagumpay nina Nikko Huelgas at Chicano.
“Malakas ang pressure, dahil yung expectation sa atin mataas. We trained so hard for this àt masaya kami at napasaya naming an gating mga kababayan,” pahayag ni Chicano.
Tumapos ang 28-anyos na si Chicano ng 1:53.26 segundo sa orasan upang manguna sa nasabing event, kasunod si Remolino na tumapos naman ng 1:55:03 sa orasan.
Pumangatlo sa nasabing karera ang pambato ng Indonesia na si Muhammad Ahlul Firman sa kanyang 1:57:10 para sa bronze medal.
Hindi natapos àng pagdiriwang ng local crowd nang magtala rin ng 1-2 finish sina Kim Mangrobang at Fil-Am Kim Kilgroe sa women’s division.
Tumapos ang 28-anyos na si Mangrobang sa tyempong 2:02.00, kasunod si Kilgroe na may bilis na 2:05.02.
“Sobrang masaya po, kasi talagang iba po ang pakiramdam na nandito po tayo naglalaro sa homecourt. Mas maraming humihiyaw mas nakakapressure pero mas nakakainspire po at mas lalo pong nagpupursige na manalo,” ayon kay Mangrobang.
Ikinalugod ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang matikas na simula ng atletang Pinoy.
“Continued po natin ang pagsuporta sa ating mga atleta. Kailangan po nila ang cheer ninyo. Kami po sa PSC ay nakaantabay lang sa anupang pangangailangan ng ating mga atleta sa kompetisyon,” pahayag ni Ramirez.
“Nakita po ninyo na sa opening ceremony pa lang masaya na ng Pangulong Duterte. Sa tagumpay ng ating mga atleta, mas doble ang kasiyahan ng Pangulo,” aniya.
Pumangatlo sa nasabing labanan ang pambato ng Indonesia na si Nethavani Ocaria na tumapos ng 2:16.33 segundo.
Sa New Clark City, nakamit ng dance sports ang limang ginto, tampok ang triple gold ng tambalan nina Ana Manalo Nualla at Sean Mischa Aranar sa Royce Hotel.
Magkatambal sa nakalipas na anim na taon, hataw sina Nualla at Aranar sa Standard Tango at Viennese Waltz, gayundin sa standard para sa matikas na simula sa sports na may nakatayang 14 gintong medalya.
“Hindi pa siya nagsi-sink in, pero unti-unti na. Nabawasan kami ng sobrang laking pasanin, pero sobra namang saya,” pahayag ni Nualla.
Nagdagdag ng dalawang ginto sina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen sa standard foxtrot at waltz, ngunit nabigo sila sa standard categort na tinampukan ng Vietnam.
Naidagdag ni wushu star Agatha Wong ang ikawalong ginton ng Team Philippines sa unang araw ng kompetisyon nang madepensahan ang korona sa Taolu Taijiquan, habang bronze medalist ang kasanggang si Daniel Parantac.