BAGAMAT lipas na ang mga araw ng kabataan, marami pa ring nakatatanda o senior citizens ang nananatiling malakas, matalas pa ang isipan, puwedeng magtrabaho at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.
Dahil dito, maraming senior citizens ang pinagkalooban ng angkop na trabaho ngayon, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE). Sinabi ni Dominique Tutay ng Bureau of Local Employment (BLE) ng departamento na dumarami ang nagtatrabahong senior citizens sa nakalipas na dalawang taon.
Sa pamamagitan nito, sila ay patuloy na nakatutulong sa pagsuporta sa pamilya at sa pagsigla ng ekonomiya ng bansa. Malaking tulong ang kaloob na trabaho sa nakatatandang Pilipino para sa pambili ng pagkain, gamot (maintenance medicine). Hindi sila nagiging depende sa mga anak o kaya ay nanghihingi ng pambili ng gamot, pagkain at iba pang pangangailangan.
Pahayag ni Domnique Tutay: “Statistically an improvement can be seen in the number of employed senior citizens or those 65 years old and over. From 1.5 million in 2013 and 1.6 million in 2017, it went up to 1.8 million last year.”
Aba, magandang balita ito sa mga nakatatandang Pilipino. May pakinabang pa pala sa inyo ang lipunan. Hindi pa pala kayo inutil at nakadepende at umaasa sa bigay ng mga anak o kamag-anak. Sige, magtrabaho pa tayo at nang maging malakas, tumalas ang utak at hindi palaasa sa tulong at suporta ng ibang tao.
Sa pagtaas sa suweldo ng nurses na nagtatrabaho sa mga ospital at klinika ng gobyerno, maraming nars sa Pilipinas ang baka hindi na maisipan pang mangibang-bansa para doon humanap ng trabaho o sa English ay “greener pasture.”
Pinagtibay ng Senado ang basic salary increase ng Filipino nurses sa pamamagitan ng paglalaan ng P3.173 bilyon na kukunin sa P4.1 trilyong national budget para sa Salary Upgrade ng Nurse 1 at Nurse II. Katig dito ang Kamara.
Batay sa pinagtibay na panukala, ang minimum basic pay ng mga nurse sa government hospitals at health institutions ay dapat magsimula sa Salary Grade 15 o P31,545 bawat buwan. Siguradong matutuwa rito ang libu-libong Filipino nurses na masyadong mababa ang suweldo, subalit lubhang mahirap naman ang trabaho sa mga pagamutan at klinika.
Malaki ang tsansa na ang panukalang ito ay lalagdaan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte dahil malapit sa kanyang puso ang mga nurse lalo’t iisiping ang kanyang partner na si Ms. Honeylet Avancena, ay isang nurse. Ibabalita ko ang pagtataas sa sahod ng nurses sa aking anak na matagal na nagtrabaho sa New York at ngayon ay nasa Norway.
Aminado si Mano Digong na nahihirapan siya sa pagpili ng bagong Hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni ex-PNP Chief Oscar Albayalde na nasangkot sa isyu ng “ninja cops.” Dahil dito, siya muna ang hahawak sa puwesto.
Ang PNP ay may 190,000 opisyal at tauhan. Dinoble ng Pangulo ang suweldo nila para maging disente ang buhay at magpakatino. Gayunman, may mga “bugok na itlog” pa rin sa PNP. May mga tarantado pa rin at masisiba sa pera sa kabila ng pagnanais ni PRRD na sila’y maging diretso at hindi na sumangkot pa sa kawalang-hiyaan, tulad ng illegal drugs.
-Bert de Guzman