NASA Madrid, Spain ngayon ang mga opisyal ng iba’t ibang mga bansa, para sa 25th session of the Conference of Parties (COP) to the United nations Framework Convention on Climate Change.

Ang unang pandaigdigang kumperensiya sa climate change (COP1) ay idinaos noong 1995 sa Berlin, Germany, na sinundan ng taunang pagpupulong sa iba pang mga lungsod sa mundo. Noong 2015 sa COP21 sa Paris, France, gumanap sa mahalagang tungkulin ang Pilipinas sa pagpupulong, dulot nang matinding naranasang pinsala ng bansa mula sa super typhoon Yolanda na nakikitang patunay sa lumalalang kalamidad, na resulta ng climate change.

Sa pagtatapos ng pulong sa Paris, nagsumite ang bawat bansa ng kani-kanilang programa na inaasahan nilang makatutulong upang makamit ang pangkalahatang layunin na malimitahan ang pagtaas ng pandaigdigang temperatura ng mas mababa sa 1.5 degree sa pre-industrial level.

Mula nang matapos ang kumperensiya sa Paris, lumalabas sa resulta ng ilang pag-aaral na patuloy na lumalalang kondisyon ng mundo—patuloy na umiinit ang atmosphere dulot ng tumataas na carbon emission mula sa mga industriya ng mundo, ang sunod-sunod na pagkatunaw ng mga polar glaciers at pagtaas ng lebel ng karagatan na ngayo’y nagbibigay-banta sa mga siyudad sa mundo na malapit sa baybayin at iba pang bahagi ng tubig, tulad ng Venice sa Italy.

Climate change rin ang sinisisi ng mga siyentista hindi lamang sa pagtaas ng tubig sa mga karagatan ngunit gayundin sa heat wave na nagdudulot namang ng pagkasunog ng mga kagubatan sa US, ang malawak na Amazon forest sa Brazil, at Australia, gayundin ang dumaraming mapaminsalang bagyo na namumuo sa karagatan ng mundo.

Malapit ang Pilipinas na makaranas sa mga pagbabagong ito sa klima ng daigdig at ang ating delegasyon sa COP25 sa Madrid ay dapat na maiulat na habang tayo ay umaasa pa rin sa uling na nagdudulot ng polusyon, para sa ating elektrisidad, malaki ang ating ginagawang pagsisikap sa paglikha ng mga renewable energy, lalo na sa solar at wind, habang sinusulusyunan natin ang mga problemang may kinalaman sa produksiyon, pag-iimbak, at pamamahagi ng mga bagong mapagkukunan ng enerhiya.