NAKAMIT ng Pilipinas ang una nitong pagkilala bilang diving destination, kung saan tinalo nito ang walong dive powerhouses sa 2019 World Travel Awards (WTA).

Sa ginanap na WTA Grand Final Gala Ceremony kamakailan sa Oman, lumitaw ang Pilipinas bilang 2019 World’s Leading Dive Destination, na hinigitan ang iba pang kalahok sa nasabing kategorya kabilang ang -- Azores Islands, Bora Bora sa French Polynesia, Cayman Islands, Fiji, Galapagos Islands, Great Barrier Reef sa Australia, Mexico, at ang four-time at previous title holder, ang Maldives.

Pasok naman ang prestihiyosong Amanpulo Resort ng Palawan, para sa World’s Leading Dive Resort sa naturang event.

“Dubbed by marine experts and scientists as the heart of marine biodiversity in the world, our country is home to the highest concentration of coral reef life and astounding variety of marine species. This latest recognition is a validation that the Philippines is truly a premier dive destination,” pahayag ni Department of Tourism (DoT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Nitong Oktubre, idinaos ng WTA ang event para sa Asia and Oceania sa Vietnam, kung saan nakuha ng bansa ang unang Asia’s Leading Dive Destination award matapos ang matagal nang nominasyon mula pa noong 2006.

Kasabay nito, kinilala rin ang DoT bilang Asia’s Leading Tourism Board para sa pagsisikap nito na mapataas ang bilang ng mga bisita sa bansa.

Isa ang Dive tourism sa mga key product portfolios na nasa ilalim ng Philippines’ National Tourism Development Plan (NTDP) 2016-2022.

Sa mga nakalipas, ilang dive-centric event na ang pinangunahan ng DoT sa bansa, kabilang ang Anilao Underwater Shootout photography competition, at ang Travel Trade Support through Dive Travel Exchange business-to-business (B2B) meetings.

Nag-organisa rin ito ng unang Philippine International Dive Expo exposition, ang unang event sa mundo na may Dive Travel Exchange o B2B meetings.

“Through the Philippine Commission on Sports Scuba Diving (PCSSD), we also ensure that diving safety and operating standards in the country are at par with the rest of the world,” ani Romulo-Puyat.

Itinatag noong 1993, ang WTA o World Travel Awards ay kumikilala sa mga brands at organisasyon mula sa travel, tourism, at hospitality industries sa buong mundo, na nagpataas sa pamantayan ng global tourism standards, sa pamamagitan ng taunang Grand Tour, isang serye ng anim na regional gala ceremonies na may grand final ceremonysa pagwawakas ng bawat tour.

Sa ginanap na 2019 WTA Grand Final Gala Ceremony, kinilala rin ang Banwa Private Island sa Pilipinas bilang World’s Leading Luxury Private Island Resort.

PNA