PINAALALAHANAN ni Pangulong Duterte sina Speaker Peter Cayetano at Congressman Lord Allan Velasco laban sa paglabag ng kanilang napagkasunduang term-sharing hinggil sa speakership.
Noong Hulyo, pinagkasundo ng Pangulo ang dalawa na maghati sila sa termino ng Speaker ng 18th Congress. Sa loob ng 15 buwan si Cayetano ang uupong Speaker, ang nalalabing 18 buwan, si Velasco naman. Nang tanungin noong nakaraang Sabado ang Pangulo ng mga TV reporter sa Davao City kung okay siya na hindi masunod ang kasunduang ito, sabi ng Pangulo: “Iyan ay marangal na usapan naming tatlo. Usapang lalaki. Kung ang isa sa kanila ay ayaw itong igalang, sarili niya itong desisyon. Pero, mag-ingat siya dahil may term-sharing kaming napagkaisahan.” Inilabas kasi ng mga kaalyado ni Cayetano ang posibilidad na balewalain ang kasunduan dahil, anila, sa mataas na trust approval rating na nakuha nito sa survey. Maging si Cayetano, sa nakaraang panayam sa kanya, inamin niya na nais niyang manatiling Speaker hanggang 2022. “Magkakaroon ng problema,” wika ng Pangulo, “kung hindi nito igagalang ang kasunduan.”
Bakit napakalakas ng loob ni Speaker Cayetano na sumira sa usapan nila ni Cong. Velasco gayong ang Pangulo mismo ang namagitan at kaisa nila na mabuo ito? Eh usapang lalaki ito, ayon mismo sa Pangulo. Kasi, ilang beses nang nasubukan ang Pangulo na hindi siya ganito magsalita. Iyong sasabihin niya ngayon bukas ay babawiin o babaguhin niya. Ang pabago-bago ng Pangulo sa kanyang posisyon at sinasabi kahit publiko niyang ginawa ito, ay siyang sinusugalan ni Cayetano. Umaasa siya, na kagaya niya, sa usapin ng Speakaership ay makumbinsi niya ang Pangulo na hayaan na siyang manatili rito hanggang sa matapos ang kanilang termino ni Cong. Velasco.
Kaya, tignan ninyo ang kanyang mga ginagawa. Totoo, mataas ang approval at trust rating niya, pero hindi lang dito siya dumedepende. Pinalalakas niya ang kanyang relasyon sa mga kongresistang pinamumunuan niya. Kaya nga ang bawat kongresista ay may P100 milyong pork barrel na idenepensa niya na hindi ito gaya ng Priority Development Assistance Fund na ideneklarang ilegal ng Korte Suprema. Iyong approval rating na ipinagmamalaking dahilan ng kanyang mga kaalyado para manatili siya sa puwesto, sa totoo lang, ay ang pagkatig sa kanya ng mga kongresista dahil sa mga grasyang ibinibigay niya sa kanila. Pinagaganda rin niya ang relasyon niya sa Pangulo. Sinabi niya na kung siya lang ang masusunod ay hindi na niya aaprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN, na nauna nang ipinaalam ng Pangulo ang pagkadismaya niya dito dahil sa hindi magandang trato sa kanya sa panahon ng presidential elections. Pero, dito halos araw-araw nagpapa-interview si Cayetano at ipinaliliwanag niya ang kanyang posisyon sa mga napapanahong isyu. Kung hindi lang abala si Cayetano sa pagsasangga sa mga batikos na inabot ng kanyang pinamumunuang Philippine SEA Games Organizing Committee hinggil sa kakayahan nitong pamahalaan ang Southeast Asian Games na ginanap sa bansa at ang umano ay katiwalian sa paggamit ng pondo para sa palaro, baka nakisawsaw na rin siya sa pagsira kay VP Leni. Nauna na kasing sinabi nito na si Robredo ay masyadong madaldal nang maaga pa itong gumaganap ng kanyang tungkulin, sa kanyang pagkampi sa Pangulo.
Anupa’t madaling mapabango ni Cayetano ang kanyang sarili sa Pangulo para makumbinsi niya ito sa kanyang gusto dahil nakadiresto siya rito. Hindi gaya ni Cong. Velaso na humuhugot ng kanyang lakas sa impluwensiya ng kanyang ama na si dating Mahistrado Presbitero Velasco ng Korte Suprema kay Pangulong Digong. Nakatulong ang mahistrado sa Pangulo sa pagnanais nitong mapatalsik si Chief Justice Sereno sa puwesto at makaganti kay Sen. Leila Delima na makulong. Wala na sa puwesto ang ama ni Cong. Velasco. Halos dalawang taon na lang ang nalalabi sa termino ng Pangulo. Ang mga konsiderasyong ito ang sasamantalahin ni Cayetano na tradisyunal na politiko.
-Ric Valmonte