AGAW-EKSENA si Filipino boxer Johnriel “Quadro Alas” Casimero sa atensyon ng sambayan sa impresibong third round knockout kontra sa pamosong South African na si Zolani Tete para makopo ang WBO Bantamweight World Championship nitong Linggo sa Arena Birmingham sa Birmingham, United Kingdom.
Sinabayan ni Casimero ang karibal at napatamaan niya ito ng solid right sa pang na nagpangalog sa tuhod ng dating kampeon. Hindi na nakabawi ang karibal.
Nakatayo si Tete bago ang eight-count, ngunit hindi na siya pinaporma ni Casimero na sunod-sunod na nagpakawala ng kombinasyon na muling nagpatumba dito. Sa ikatlong pagkakataon, mismong ang referee na ang nagpatigil ng laban may 49 segundo ang nalalabi sa third round.
Nakamit ng pambato ng Ormoc, Leyte ang ikatlong world championship sa tatlong division para makasama sa listahan na kinabibilangan nina Manny Pacquiao, Nonito Donaire Jr., at Donnie Nietes.
Ito ang ikalimang sunod na panalo ng 30-anyos na si Casimero na umangat sa 29-4, tampok ang 20 panalo via KO.