TAWA kami ng tawa kay Aiko Melendez nitong Biyernes nang gabi habang ka-chat namin dahil voice message ang sagot niya sa mga tanong namin kasi nga hindi siya makapagtipa dahil sobrang sakit ng kanang kamay niya sanhi ng operasyon niya nitong Huwebes.

Nag-post kasi ang aktres sa kanyang FB bandang 10PM ng Biyernes, “Ang sakit pala nito pain keeps going on and on and on. Level 8. Now I’m feeling the pain. I’m distracting myself for me not to feel it.”
Chinat namin kung may gamot siyang iniinom at sinagot kami ng voice message ng, “Hi ate Reg, meron naka-Arcoxia at Tramadol ako pero ang sakit talaga sobra, inaaliw ko na lang ang sarili ko. Kung anu-ano na nga lang pinagla-like ko sa facebook para makatulog ako, grabe ‘to, iba to.”
Sabi namin na malakas ang arcoxia delikado sa liver at kung anong mga puwede niyang kainin.
“Wala namang bawal akong kainin ate Reg, kaya lang hindi ako makahanap ng puwesto sa pagtulog, ang hirap,”sabi pa.
At ipinadala sa amin ang X-ray result ng ginawa sa kanang pinky finger na may nakatusok na singlaki ng karayom.
“Nilagyan ng pin kasi sobrang na-dislocate (buto),” saad ni Aiko.
Ilang araw o buwan ang pin, “nandiyan na siya forever.”
Platinum ang inilagay sa daliri ng aktres at biniro namin na kung dadaan siya sa X-ray machine ay tiyak na tutunog siya.
“Honestly ‘yan ang unang concerned ko at tinanong ko sa doctor kung tutunog ba ako sa x-ray kung bumiyahe ako and the answer is Yes.”
At maya-maya ay nag-goodnight na sa amin si Aiko dahil nakaramdam na siya ng antok.
Hindi na nga nasagot ang tanong namin kung paano ang tapings niya ng Prima Donnas sa GMA 7 kung tuloy pa rin at paano ito dadayain dahil may continuity yata siya.
-Reggee Bonoan