SA wakas, magsisimula na ngayong araw ang 2019 Southeast Asian Games (SEAG), na idaraos sa Pilipinas. Ito ang ika-30 pagtitipon na nagsimula pa noong 1959 sa pagitan ng anim na bansa na naglaban para sa 12 sports. Magtitipon-tipon ngayon ang mga atleta mula sa 11 bansa hangad na makamit ang mga medalya mula sa 56 na sports sa 530 event.
Pangungunahan ni Pangulong Duterte ang pagbubukas ng Laro sa seremonyang idaraos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Habang gaganapin ang iba’t ibang sports na paglalaban sa apat na cluster venue—ang Clark, Subic-Olongapo, Metro Manila, at mga stand-alone venue sa ilang lugar sa Luzon.
Ang Athletics ay gaganapin sa New Clark City Athletic Stadium sa Capas, Tarlac, na ipinatayo lamang para sa SEAG 2019. Malapit dito ang New Clark City Aquatic Center para sa swimming, diving, at iba pang water competitions. Habang ang baseball at softball, shooting, archery, golf, at judo ay idaraos sa mga kalapit na bayan at lungsod.
Sa Metro Manila Cluster—kabilang naman ang Rizal Memorial Stadium at Coliseum at ang SM Mall of Asia—kung saan gaganapin ang skating, bowling, billiards, weightlifting, football, tennis, gymnastics, boxing, basketball, at iba pang sports.
Habang ang boat races, sailing, chess, triathlon, pentathlon ay mga larong gaganapin sa Subic Cluster.
Ang ikaapat na Cluster, kabilang ang Batangas, Cavite, Laguna, at La Union ay pagdarausan naman ng mga sports tulad ng polo, football, at cycling.
Orihinal na iginawad ang 2019 SEAG sa Brunei noong 2012 ngunit umatras ang bansa dahil sa isyu ng pondo at iba pang rason. Tinaggap ng Pilipinas ang paghalili, ngunit matapos sumiklab ang digmaan sa Marawi noong 2017, umatras din ang bansa, lalo’t kailangan nito ng pondo para sa rehabilitasyon ng Marawi. Inialok sa Thailand at Indonesia ang pagho-host, ngunit inanunsiyo ng Pilipinas ang pagbawi sa naging desisyon nito.
Kamakailan, nagkaroon ng mga kontrobersiya hinggil sa mga oposisyon na kinukuwestiyon ang pagpopondo sa ilang mga proyekto, kabilang ang cauldron sa Clark na sisindihan sa buong kompetisyon. Sinundan naman ito ng problema hinggil sa mga dumarating na mga atleta at iba pang alegasyon ng “incompetence” ng komiteng namamahala. Ipinag-utos na ni Pangulong Duterte ang imbestigasyon hinggil dito. Ngunit saka na ito gagawin, ayon sa Malacañang.
Sa ngayon, ang lahat ng atensiyon ay matutuon sa mga laro na paglalaban-labanan ng pinakamahuhusay ng mga atleta ng
Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, East Timor, Vietnam, at ng Pilipinas. Ang opening ceremony ay isang oportunidad naman para sa bansa upang maitampok ang ating kultura bilang isang nasyon sa pamamagitan ng disenyo, musika, at sayaw.
Nang unang imungkahi ang Southeast Asian games noong 1958 ng mga delagadong dumadalo sa Asian Games noon sa Tokyo, sinabi ng mga organisador na isa itong regional sports event na makatutulong upang maisulong ang pag-unawa at higit na ugnayan sa mga bansang bahagi nito. Mula noong unang pagdaraos noong 1959, idinaraos na ito tuwing ikalawang taon para sa naturang layunin.
Ito ay diwa ng pagkakaisa ng rehiyon na pagsisimulan ngayong araw ng 2019 Southeast Asian Games. Kaya naman, simulan na ang laban!