“KUNG sa akala nila ay tapos na ang lahat, hindi nila ako kilala. Nagsisimula pa lang ako. Kung pareho ang aming layunin, bakit hindi na lang sila tumulong?
Seryoso ba sila sa paglaban sa droga o may nasagasaan ako? Ano ang kinatakutan nilang malaman ko, malaman ng taumbayan? Hindi ko hiningi ang posisyong ito. Seryoso kong ginampanan ang tungkuling ibinigay mo sa akin. Ang gusto ng bansa ay gobyerno na kampeon ng mamamayan laban sa ilegal na droga. Ang kalaban ay ang droga at drug lords, hindi ako. Ihahayag kong lahat ang nalaman ko hinggil sa kampanya laban sa ilegal na droga at ang aking mga rekomendasyon. Kinuha nila sa akin ang posisyon, pero hindi nila kailanman makukuha ang aking determinasyon. Ipinangangako ko na ipagpapatuloy kong mapigil ang mga pagpatay sa pagpapatupad ng war on drugs at mapanagot ang mga pumatay,” pahayag ni Vice President Leni Robredo nitong nakaraang Lunes pagkatapos siyang sibakin ni Pangulong Duterte bilang pinuno ng anti-drug campaign.
Noon pa man ay minaliit na ng Pangulo ang kakayahan ni VP Leni na mamuno. Kaya, publiko niyang sinabi na iiwan niya ang panguluhan kay dating Senador Bongbong Marcos, na tinalo ni VP Leni noong nakaraang presidential elections. Ito ang nasa isip ng Pangulo nang alukin niya ito ng posisyong mamuno ng kampanya laban sa droga dahil ikinagalit niya ang pahayag nito na bigo ang kanyang war on drugs. Dahil sa akala ng Pangulo na tatanggi si Robredo, pinangakuan pa niya na ibibigay niya rito ang lahat ng kanyang kapangyarihan kaugnay sa paglaban sa droga. Hindi niya nakita na ang social, political at economic situation ngayon ay iba na kaysa nang siya ay unang manungkulan. Magulo na at nagugutom ang taumbayan dahil sa mga sunod-sunod na kalamidad, gawa ng tao at kalikasan, na dumalaw sa kanila. Ang mga polisiya ng gobyerno ay nagpataas ng halaga ng kanilang mga batayang pangangailangan. Kamatayan, karahasan at kalupitan ang ipinalalasap sa kanila lalo na sa mga nasa kanayunan.
Hindi matatawaran ang kapasidad ng krisis na gumawa ng kanyang lider na sasagip sa mga taong nangangailangan ng tulong at pagkalinga. Dikta ng krisis ang tanggapin ni Robredo ang alok sa kanya ng Pangulo sa kabila ng mga mabigat na problemang kanyang susuungin. Iniluwal siya at iniharap sa gitna ng larangan. Buong tapang naman at katalinuhang hinarap niya ang hamon. Tinanggap niya ang alok ng Pangulo. Dahil, aniya, kung makasasagip ako ng kahit isang inosenteng buhay, ang aking prinsipyo at puso ang nagsasabing susubukin ko. Ang kainaman pa nito kahit kinuha na sa kanya ang posisyon, hindi naman daw makukuha ang kanang determinasyon. Pipilitin niyang kahit paano ay mapigil ang mga pagpatay at mapanagot ang mga pumatay. Sa loob ng 18 araw na nasa posisyon si VP Leni, nagkaroon ng katahimikan. Naging mapayapa ang pamayanan. Walang patayang naiulat maliban sa umano ay mga engkwentro. Marahil mamumulat ang mga awtoridad na nagpapairal ng war on drugs na sa dami na ng mga napaslang sa pagpapairal nito, hindi titigil ang mga pagpatay dahil ikinubli at pinoproteksyunan nito ang mga tunay na nasa likod ng droga sa bansa.
-Ric Valmonte