Pagkataposbatikusin ni Pangulong Duterte si Vice President Robredo at sabihing “scatterbrain” ito at nagga-grandstanding sa harap ng media sa pagganap niya ng tungkulin bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, oras na lang ang binibilang para sabihin niya rito na kanya na itong sinisibak sa pwesto.
Publiko niyang inalok ang pwesto kay VP Robredo at publiko naman nitong tinanggap ito. Ang problema, kung paano niya kaingay na inihayag ang pag-alok sa posisyon na may kasamang pagtuya at pag-asang wala ring magagawa ang kanyang inalok, wala ka namang narinig sa kanya na tinatanggal na niya ito sa pwesto. Katunayan, nasa Korea na siya nang ipaabot ito bilang balita sa pamamagitan ng kanyang spokesman Salvador Panelo. Nahihiya kaya o natatakot ang Pangulo na harapin ang kanyang mamamayan para bawiin ang salitang napakatapang niyang binitiwan?
Sa totoo lang, napilitang lumabas ang Pangulo pagkatapos na tanggapin ni VP Leni ang inalok niyang posisyon at magtrabaho na ito, nang hingin na nito ang listahan ng mga high value target sa mga awtoridad na nagpapairal ng war on drugs. Lahat ng paninira ay ginawa na ng Pangulo dahil natakot na siya. Naalaala na niya ang mga susunod nang mangyayari na wala sa kanyang loob noon nang ialok niya kay Robredo ang pwesto dahil nagpupuyos siya sa galit noon. Napikon siya nang minaliit ni Robredo ang nagawa ng war on drugs. Bigo, aniya ito, at lalo lamang dumami ang droga sa bansa.
Classified information o mga impormasyong hinggil sa seguridad ng bansa ang hinihingi raw ni Robredo. Dapat lang ipagkait sa kahit sino lalo na kay Robredo dahil nasa oposisyon ito at magkakontrang partido sila ng Pangulo at nakikipag-usap na siya sa mga banyaga sa kanyang pagtatrabaho. Bakit naging classified information ang listahan ng mga taong kinategoryang high value target ni Pangulong Digong at mga awtoridad na nagpapatupad ng war on drugs? Ayon nga kay VP Leni, mahalaga ito sa kanya dahil ang nais niyang mangyari ay puksain ang problema ng droga sa ugat. Habulin ang mga nagkakalat ng droga sa bansa at hindi patayin ang mga dukhang gumagamit nito at nagbebenta para pangtawid gutom nila. Maganda at, sa aking palagay, epektibo ang paraan na nais ipairal ni Robredo para sa layuning ito. Nagsimula siya sa wastong hakbang na palawakin ang partisipasyon ng mamamayan sa paglaban sa droga. Napakahalaga ng bahagi ng media rito bagamat sa tingin ng Pangulo ay pagga-grandstanding ang ginawa ni VP Leni.
Kasi, malakas ang loob ng mga drug lords magnegosyo dahil suportado sila ng mga makapangyarihan sa gobyerno. Ang kapangyarihan ng taumbayan ay ginagamit ng kanilang mga lider, hindi para sa kanilang interes kundi para proteksyunan at pangalagaan ang interes ng mga drug lords. Halimbawa, nakalusot sa Bureau of Customs ang bulto ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 billion dahil sa tulong ng mga nasa gobyerno. Ganoon din ang P11 billion na shabu na nasa apat na magnetic lifter na wala nang laman nang abutan ang mga ito ng mga operatiba sa GMA Cavite. Katakot-takot ang turuan at takipan ng mga pinakamataas na tao sa gobyerno para itago ang pinakautak ng transaksyong ito. Ang nasala lamang ng mga imbestigasyong isinagawa ng kamara at senado ay ang mga pipitsuging empleyado ng gobyerno at mga fall guy. Sa paraan sanang gagawin ni Robredo, mahirap mangyari ito. Ang ihayag lang ng media ang mga taong gobyerno kinakapitan ng mga drug lords sa kanilang pagnenegosyo ay malaking bagay na ito. Baka ito ang kinakatakutan ni Pangulong Duterte?
-Ric Valmonte