MAGKATUWANG na inilunsad ng pamahalaan at ng ilang mga organisasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kamakailan ang isang 18-day awareness campaign upang wakasan ang karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata.

Bilang suporta sa pandaigdigang kampanya laban sa gender-based violence (GBV), pinangunahan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) at ng Regional Commission on Bangsamoro Women (RCBW) ang paglulunsad ng programa sa loob ng Bangsamoro Bangsamoro government center, sa Cotabato City.

Sakop ang kampanya ng mandato sa ilalim ng Proclamation 1172, Series of 2006 na nagdedeklara sa November 25 hanggang December 12 ng bawat taon bilang “18-Day Campaign to End VAW.” Nakapaloob din ito sa Republic Act No. 10398, Series of 2012 na nagtatakda naman sa Nobyembre 25 ng bawat taon bilang “National Consciousness Day for the Elimination of VAW and children”.

Tema ngayong taon ang “VAW-Free-BARMM starts with me” na nakatuon sa tatlong porma ng gender-based violence tulad ng rape, trafficking, at child marriage. Bahagi rin nito ang isang multi-sectoral response sa problema.

ESTADO NG MGA KABABAIHAN SA BANGSAMORO

Sa kanyang State of the Bangsamoro Women Address (SOBWA), ibinahagi ni Member of Parliament Hadja Bainon Karon, RCBW chairperson, na “reports show a high rate of sexual violence” sa rehiyon kasama ang probinsiya ng Maguindanao ay nagpapakita ng pinakamataas na tala ng kaso ng rape sa nakalipas na tatlong taon.

Ayon kay Karon karamihan sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ay mga menor de edad na nasa apat hanggang 14-anyos.

Dagdag pa niya, layunin ng taunang programa ay itaas ang kaalaman sa nasasakupan na ang karahasan sa kababaihan at mga bata ay isang isyung pampubliko na kailangang pagtuunan din ng pansin.

“The fight for a VAW-free community is not just the fight of the women but also the men,” aniya.

Binigyang-diin naman ni BARMM Deputy Executive Secretary Abdullah Cusain, na kumatawan kay BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, ang kahalagahan ng kababaihan sa Bangsamoro.

“It is a must for all of us to come together in reshaping the region to make sure that there is equal opportunity for everyone,” aniya.

KAMPANYA LABAN SA KARAHASAN

Katuwang ang United Nations Population Fund (UNFPA), isang serye ng mga programa na nakatuon sa kaalaman sa kaharahasan laban sa mga kababaihan at iba pang uri ng gender-based violence; gampanin ng mga kababaihan, at mga kabataan laban sa mga karahasan; at ang pagsusulong ng programmatic approach upang wakasan ang karahasan sa rehiyon.

Kabilang sa mga ito ang “Youth Forum on Child Marriage” na idaraos ngayong Nobyembre 28 kung saan ang mga kabataan mula sa iba’t ibang paaralan at mga out-of-school youth organizations sa palibot ng Cotabato City at Maguindanao ay magtitipon upang matutunan ang tungkol sa child marriage at ang implikasyon nito sa kalusugan mula sa Islamic perspectives.

Sa Disyembre 12, isa namang “Referral Pathway” ang ilulunsad para sa pagbibigay ng direksyon at patnubay sa mga survivors/witnesses ng child protection issues and gender-based violence.

PNA