NOONG nakalipas na kolum, narepaso ko ang mga pangalan sa mundo ng politika na may mga bituing tinitingala. Kapag magkataon pa, baka matuntunan ng estrella mula sa kalangitan, sabay masalo ang suwerteng siyang guguhit sa landas ng kanilang palad bilang susunod na presidente? O bise- presidente ng Pilipinas? Bagama’t tila malayo pa ang 2022 sa bolang-kristal ng pangkaraniwang tao, may mga nagnanais makausad ng maaga, dahil sa kakiputan ng ating pamumulitika. Ngayon pa lang, dahan-dahang ng nagpapakilala talaga, o ‘di man, gayak nangangampanya na ang ilang kilalang personalidad.
Nadantayan ang mga tulad nina, Senador Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Cynthia Villar, Mayor Sara Duterte, at ang magkatunggali na si Leni Robredo at Bong-Bong Marcos. May isa pang pangalan ang masasabi nating may sariling diskarte, at namumukod tangi, dahil kakaiba ang kanyang kasikatan sa masang Pilipino. Hindi rin maaaring tawaran ang kakayahan nito dahil nga sa nagsimula ito bilang lokal na opisyal sa Quezon City. Tinutukoy ko ang kasalukuyang Senate President Vicente Sotto III.
Kung pagbabatayan ang buhawi ng mga kuwento na umiikot sa katauhan ni “Tito Sen”, simpleng tao ito kung kumilos. Walang mga “body-guards” na nakapalibot sa kanyang mga lakad. Pati back-up na mga kotse. Ni wang-wang, wala rin. Driver? Siya na mismo ang sumasagupa sa usad pagong na trapik ng Metro Manila mula bahay, ‘Eat Bulaga’ tapus tanggapan ng Senado. Kahit nagsosolo sa mga biyahe nito papuntang iba’t ibang lalawigan sa bansa, kotse o eroplano man, ang turing at aligaga ng mga nakakahalubilo niya ay parang “pangulo” na rin ang dating nito. Siguro dahil sa walang security, mas malapitin sa tao, sabay, celebrity pa! Kadalasan, palaisipan si “Tito Sen” dahil sa hindi atat o ambisyoso ito sa mas mataas na posisyon. Sa kahit anong pondahan, tao na mismo ang kusang nagbabanggit sa pangalan nito na maaaring isali sa ruweda ng panguluhan o pangalawang panguluhan? Hindi ganyan-ganyan lang ang manaig sa paligsahan ng mga senador at ulit, maging Senate President. Kaya abangan na lang ang susunod na kabanata?
-Erik Espina