Dream come true for Mariz Umali na makabalik muli sa South Korea. Siya ang representative ng Unang Hirit”sa isang programa ng South Korean Tourism. Aalis siya bukas, November 29, at matatagal roon hanggang December 4.
Si Mariz ang bagong addition bilang host ng top-rating morning show na Unang Hirit. Pinalitan niya si Rhea Santos na nag-migrate na sa Canada. Nakatakda na silang mag-celebrate ng kanilang 20th anniversary simula sa Monday, December 2. Hindi na bago si Mariz sa trabaho niya sa GMANews & Public Affairs, na una niyang trabaho seventeen years ago after niyang nag-graduate from college. Hindi ba siya nahihirapan kung maaga siyang gumigising?
“Nasanay na rin ako, kapag nasa studio lamang ako, pwede akong gumising ng 4:00 am, pero kung remote ang broadcast ko, depende kung saan ako pupunta, pero madalas, kung malayo, as early as 1:00 am gising na ako. Inihahatid ako ni Raffy (Tima, her husband) sa studio saka na lamang siya babalik muli sa pagtulog.”
Hindi nga ang South Korea ang first assignment ni Mariz abroad.
“Hindi ko malilimutan iyong nag-cover ako sa canonization ni St. John Paul II. I feel blessed na ako ang ipinadala sa Vatican. Una ko siyang nakita noong pumunta siya ng Pilipinas, na si Pope John Paul II pa siya, tapos nakita ko siya muli isa nang Santo.”
Hindi rin malilimutan ni Mariz nang mag-cover siya ng laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas, USAna kasabay ang US election ni President Donald Trump in 2016. At ngayon, sa South Korea naman.
Isa palang siyang addict sa panonood ng Korean dramas at nahihilig na rin siya sa K-Pop music.
“Wish kong makakita ng mga paborito kong Korean actors, nag-request na ako pero magdi-depend daw iyon kung available ang mga Korean actors na madalas daw ay very busy rin ang schedules.”
Isa na ring news producer si Mariz, kaya very busy rin siya talaga. At madalas din ay nagiging news anchor na siya sa 24 Oras. Biniro namin siya paano kung magkaroon na sila ng baby ni Raffy?
“Siguro may mababago na, kasi talagang gusto na naming magkaroon ng baby ni Raffy,” nakangiting pagtatapos ni Mariz.
-Nora V. Calderon