SA kabila ng kinahaharap na impeachment ni United States President Donald Trump sa US House of Representative, isa pang bagong kontrobersiya ang kinasasangkutan nito, kaugnay ng pagdinig sa US Navy court martial na maaaring humantong sa pagkasibak ng isang Navy Seal na inaakusan ng krimeng may kinalaman sa digmaan.
Inihahanda nang isumite ng US Navy review board ang desisyon nito na maaaring mag-dismiss sa akusadong Seal nang maglabas si President Trump ng pahayag sa pamamagitan ng kanyang paboritong media outlet, ang Twitter, nitong Huwebes at sinabing: “The Navy will not be taking away Warfighter and Navy Seal Eddie Gallagher’s Trident Pin.”
Ang pangulo, sa ilalim ng konstitusyon ng Amerika, ang commander-in-chief ng sandatahang lakas ng bansa, ngunit sinabi ni US Navy Secretary Richard Spencer na hindi niya ikinokonsidera ang naging tweet ni Trump bilang isang pormal na utos. Kaya naman, tuloy ang Navy review board sa pagdinig nito, ayon sa isang opisyal ng Pentagon. Nitong Linggo, sinibak ni Defense Secretary Mark Esperon si Navy Secretary Spencer.
Sa kabutihang palad para sa ating bansa, hindi gumagamit ng Twitter si Pangulong Duterte. Gayunman, madalas maharap sa isyu ang kanyang mga pahayag na minsan ay namamali ng interpretasyon ang publiko, minsan, maging ng kanyang sariling mga tao sa pamahalaan. Mayroon din tayong isang opisyal sa pamahalaan na mahilig din sa pagtu-tweet—si Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr., ngunit ang kanyang mga tweet, na may mga pagkakataong nahahaluan ng masasamang salita, ay ikinokonsidera naman ng publiko na isang personal na pagpapahayag ng kanyang opinyon.
Ginagamit ni US President Trump ang Twitter upang makaabot sa kanyang mga tagasuporta, na tinatanggihan din ang mga malalaking pahayagan at iba pang media outlet. Ginagamit niya ang Twitter upang sagutin ang mga kritisismo sa kanyang mga aksiyon at polisiya sa ugnayang panlabas, tulad ng pag-alis ng tropa ng US sa Syria at ang kanyang naging pakikipag-usap sa telepeno sa pangulo ng Ukraine.
Ginamit niya ang kanyang tweet upang patamaan ang mga “low-life reporters” at tawagin ang impeachment inquiry sa US House, na “impeachment hoax,” isang “witch hunt” sa Kongreso, at “a phony scam by the do-nothing Dems.” Maaaring lumusot ang impeachment sa House, na kasalukuyang kontrolado ngayon ng mga Democrats, ngunit malamang, na sa Senado, na hawak ngayon ng Republicans, ay maabsuwelto ito. Pinaniniwalaang ang tunay na laban, ay sa nakatakdang halalan sa Nobyembre kung saan naghahangad si Trump na muling mahalal laban sa isang Democratic challenger.
Ang sistema ng impeachment ay kasama sa US Constitution bilang paraan upang mahinto ang isang pangulo sa pang-aabuso nito sa kapangyarihan, ngunit maaari rin niya itong maprotektahan kung susuportahan siya ng kanyang partido. Ito ang dahilan, kaya walang sinumang pangulo ng Amerika ang napataklsik sa opisina sa pamamagitan ng impeachment. Nagbitiw si President Nixon bago pa ito masalang sa imbestigasyon ng Senado noong panahon niya.
May katulad tayong sistema ng impeachment sa ating Konstitusyon. Pinili rin ni Pangulong Estrada na bumaba sa puwesto noong 2001, bago pa mailabas ng Senado ang kanilang desisyon at ang pagdinig ng impeachment ay nasapawan ng EDSA II. Ngunit ang pagkakaroon ng sistema ng impeachment ay nakatulong sa dalawang pamahalaan—Amerika at Pilipinas—upang makapagpatuloy sakaling may nagbabanta ng pag-abuso sa kapangyarihan ng panguluhan at pagkasira sa sistema ng politika at lipunan.