HINDI pa nag-iinit sa upuan wika nga si Vice Pres. Leni Robredo bilang drug czar (o czarina) at Co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), sinibak na siya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte dahil wala raw siyang tiwala sa kanya.
Kung tutuusin, 19 araw lang siyang nakaupo sa puwesto. Sa loob ng naturang mga araw, nakipagpulong si VP Leni sa mga kinatawan at opisyal ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) at sa mga pinuno ng United States Embassy sa Maynila.
Hindi natin alam kung natuloy rin ang plano niyang konsultasyon at miting sa mga Embahada ng Japan, Thailand at Australia upang hingan ng tulong sa pagbaka sa salot ng iligal na droga nang walang dugo at patayan.
Para kay Senate Pres. Tito Sotto, sayang ang pagkakahirang kay Robredo na agad ding tinanggal ni Mano Digong. Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na nanghihinayang din siya sa pagkakatanggal ni VP Leni. Naniniwala si Lacson, dating PNP chief, na nasa tamang direksiyon ang Bise Presidente nang hilingin niyang bigyan siya ng access sa listahan o narco-list ng high-profile drug lord at large-scale trafficker. Isa raw lawyer si VP Leni, at alam nito ang state secrets para hindi ibahagi sa ibang grupo o dayuhan.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, nairita ang Pangulo sa ginawang konsultasyon ni Robredo sa UNODC, US Embassy at sa iba pang mga grupo. Mula’t sapul, ayaw ni PRRD na makikialam ang mga dayuhan sa inilulunsad niyang drug war. Hindi ba si ex-US Pres. Obama ay minura niya noon dahil daw sa pakikialam.
Ikinagalit din ni PDu30 ang hamon at “taunting” o pambubuska ni VP Leni at maging ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, pangulo ng Liberal Party (LP), na kung walang tiwala ang Pangulo, tanggalin na lang siya. Sabi ni Panelo, eh tinanggal nga siya.
Sa panig ni Robredo, sinabi niyang sa kabila ng mga payo at babala ng kanyang mga kaalyado at kaibigan na huwag tanggapin ang alok ng Pangulo na pamunuan ang anti-illegal drug war, tinanggap niya ito sapagkat nais niyang makatulong sa pagsugpo sa iligal na droga. Sapat na sa kanya na walang mapapatay na kahit isang tao sa buy-bust operations. Nais niya ang “zero killings” o “senseless killings” tulad ng nangyayari sa Oplan Tokhang.
Nanindigan si Robredo na kahit wala na siya sa ICAD, itutuloy niya ang adbokasiya sa paglaban sa iligal na droga, walang dugo, walang patayan, walang karahasan. Bilib nga sa kanya si Sen. Lacson dahil sa loob ng 19 araw na siya ang ICAD co-chair, walang napatay kundi pinaghuhuli lang ang tulak at adik.
Sinabi naman ni Albay Rep. Edcel Lagman, kaalyado ni Leni, na wala siyang nakikitang dahilan upang sabihing “state secrets” ang narco-list ng mga panginoon ng iligal na droga na kinabibilangan ng mga pulitiko, Heneral ng PNP, negosyante kung kaya ayaw ibigay kay Robredo ang listahan.
Ayon sa Albay solon, may narco-list ang Pangulo na isinasapubliko ang mga pangalan ng naroroon. Sabi nga ni VP Leni, ano ang ikinatatakot ng Pangulo sa kanya? May sikreto ba silang itinatago? May interes ba siyang nasagasaan o masasagasaan?
Hoy, Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera, mag-abang na lang kayo sa susunod na kabanata, pansamantala, manoon tayo ng Sea Games at hangaring manalo ang mga atletang Pinoy sa paligsahan.
-Bert de Guzman