DAPAT na magpatuloy ang walang humpay na paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng kalunos-lunos na Nobyembre 23, Maguindanao massacre sa kabila ng inaasahang desisyon ng korte sa susunod na buwan laban sa pangunahing suspek sa mga pagpatay.

Ito ang naging panawagan ni Undersecretary Joel Sy Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), kamakailan kasabay ng komemorasyon ng ikasampung anibersaryo ng massacre.

Aniya, ang mga pamilya ng 58 biktima, kanilang ang 32 mamamahayag, ay makakakuha ng “partial justice” kapag nailabas na ang desisyon ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes, sa o bago ang Disyembre 20.

Ayon kay Egco, marami sa mga akusada ang nananatiling malaya at hindi pa rin naipiprisinta sa korte sa nakalipas na sampung taon ng pagdinig.

“Based on our records, 80 of the 197 accused are still out there,” pahayag niya sa isang forum na inorganisa ng Socsargen Press Club.

Aniya, nakikipag-ugnayan na ang PTFoMS at regular na kumukuha ng update mula sa mga awtoridad hinggil sa nagpapatuloy na operasyon laban sa iba pang suspek sa massacre.

Ang paglalabas ng desisyon sa susunod na buwan ay kapapalooban ng mga ‘mastermind’ ng massacre sa pangunguna ng magkapatid na dating Datu Unsay, Maguindanao Mayor Andal Ampatuan Jr. at dating Autonomous Region in Muslim Mindanao governor Zaldy Ampatuan.

Ang ama ng pamilya, ang pumanaw na Maguindanao Gov. Andal Sr., ay kabilang sa mga pangunahing suspek ngunit namatay na ito sa kulungan noong Hulyo 2015.

Kinasuhan ang mga suspek ng patong-patong na kasong murder para sa pagpaplano at pakikipalahok sa massacre sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao.

Naniniwala naman si Egco na mahahatulan ang mga pangunahing suspek sa pamamaslang sa bigat ng mga ebidensiyang iprinisinta ng prosekusyon, lalo na ang salaysay ng 192 witnesses.

“Justice is already within our reach. I believe this is the last delay,”aniya, bilang pagtukoy sa isang buwang ekstensyon na hinihingi ni Reyes para sa paglalabas ng hatol.

Aniya, maaaring mapaaga ang paglabas ng desisyon lalo’t inaasahan ang bakasyon ng korte.

Bago naman dumalo sa forum, kasama si Egco ni Maguindanao Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu, iba pang pamilya ng mga biktima ng massare at media sa pagbisita sa pinangyarihan ng krimen nitong Sabado ng umaga.

Matapos ang forum, isang misa at pagsisindi ng kandila ang idinaos sa Forest Lake Memorial Park, kung saan nakahimlay ang 12 pinaslang na mamamahayag.

Kabilang ang asawa ni Mangudadatu, si Genalyn, at ilan pang kaanak sa mga namatay sa massacre.

Magugunitang isang convoy ng mga kamag-anak ni Mangundadatu, na sinamahan ng mga mamamahayag, ang patungo sana ng Commission on Elections provincial office sa Shariff Aguak Maguindanao para maghain ng certificate of candidacy sa pagka-gobernador, nang harangin ito malapit sa sentro ng bayan ng Ampatuan, at dinala sa mataas na bahagi para doon brutal na paslangin.

Ang insidenteng ito ang itinuturing na pinakamalalang kaso ng election-related violence at panakamalalang pag-atake sa mga Pilipinong mamamahayag.

PNA