WALA pang tatlong linggo matapos hirangin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Vice Pres. Leni Robredo bilang drug czar at co-chairperson ng Inter-Agency Committee o Anti-illegal Drugs (ICAD), sinibak na ng Pangulo ang Pangalawang Pangulo sa puwesto bunsod ng kawalang-tiwala sa kanya bilang ICAD co-chairperson.
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na tinapos ng Pangulo ang serbisyo ni Robredo matapos na “buskahin” at hamunin umano nina Sen. Francis Pangilinan, pangulo ng Liberal Party (LP), at VP Leni ang Presidente na tanggalin siya sa puwesto.
Kung paniniwalaan si Spox Panelo, wala raw ginawa si Robredo bilang ICAD co-chairperson kundi “ipahiya ang bansa.” Batay sa report, noong Sabado nag-apologize si Mano Digong kay beautiful Leni nang ihayag niya na inimbitahan ng Pangalawang Pangulo ang human rights probers ng United Nations sa Maynila.
Inamin ni PRRD na maaaring ang tinanggap at nakuha niya ay “fake news.” “Maaaring ito ay false news, kung ako’y naniniwala sa false news, ito ay balita pa rin matapos malamang hindi pala totoo. So, kung sinabi niyang false news, naniniwala ako sa kanya, and I’m sorry because I said you only realize it is false news when the news came out.”
Una rito, binanatan ni PDu30 si Robredo at binalaang sisibakin kapag isiniwalat niya ang state secrets at pahihintulutan ang human rights advocate na si Phelim Kine na magtungo sa Pilipinas upang tulungan siya (Leni) sa drug war.
Itinanggi ni VP Leni na inimbitahan niya si Kine na magtungo sa bansa para arestuhin si PRRD na nasa likod ng aniya’y “murderous government.” Ayon sa kanyang spokesman na si lawyer Barry Gutierrez, walang imbitasyon si Robredo kay Kine.
Sa pahayag naman ng oposisyon sa pangunguna ni LP President Sen. Kiko Pangilinan, sinabi nilang nabuko ang Malacanang sa tangkang maliitin at hiyain si Robredo nang hirangin bilang drug czar. Parang nagulat umano ang Malacanang nang tanggapin ang alok sa kabila ng pagtutol maging ng mga kaalyado, kaibigan ng Vice President.
Ganito ang pahayag ni Pangilinan: “The appointment and the eventual firing of VP Leni as anti-drug co-chair prove what we have been saying all along: both the war on drugs and the appointment of the vice president as ICAD co-chair are bluff and bluster.”
Sa plano raw ng administrasyong Duterte na palabasing mahina at walang kakayahan si Leni, ito ay “nag-backfire”. Marami ang humanga sa katatagan at tapang ni Robredo nang tanggapin ang alok kahit alam niyang maraming pahirap at hadlang ang sasalubungin sa pagtupad ng tungkulin.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Akala nila ay hindi tatanggapin ni VP Leni ang alok na pamunuan ang drug war. Naniniwala sila na kapag hindi ito tinanggap, bibirahin nila si Robredo at sasabihan nang puna ka nang puna sa drug war, eh ayaw mo namang mamuno sa paglaban sa iligal drug. Pero, tinanggap nga ito at ipinakita sa lahat na kaya niyang magpatupad ng Oplan: Tokhang nang “ zero o no senseless killings.”
-Bert de Guzman