LUMABAS sa mga pahayagan sa iba’t ibang bahagi ng mundo nitong nakaraang linggo, Nobyembre 20, ang isang kakaibang kuwento patungkol sa isang korte sa southwest ng France na pinayagan ang isang grupo ng mga pato sa isang farm na kumuwak, matapos magreklamo ang mga kapitbahay para patigilan ang ingay na nalilikha ng mga pato. Humingi ang mga nagreklamo ng bayad-danyos na 150 euro (P8,250) para sa bawat araw na magpapatuloy ang ingay, gayundin ang 3500 euro (P192,500) para sa pinsala at 2,000 euro (P112,750) sa legal na gastos. Ipinag-utos ng korte ang pagsasagawa ng isang acoustic audit upang pag-aralan ang aktuwal na lebel ng ingay, na ipatutupad sa susunod na taon.
Una rito, nitong Setyembre, mayroon ding kaso, sa isa ring bayan sa France, kung saan idinemanda ng mga kapitbahay ang may-ari ng isang tandang na nagngangalang Maurice dahil sa pagtilaok nito ng masyadong maaga tuwing umaga, gayunman pinanigan ng korte ang karapatan ng tandang na tumilaok sa umaga upang magsimula ang araw nito.
Nakakuha ng atensiyon ng publiko ang mga kasong ito, bilang simbolo ng labanan sa pagitan ng urban at rural France. Gayunman, higit dito, nakita ito ng marami bilang laban sa pagitan ng natural na mundo ng mga hayop, puno at iba pang buhay na bagay at ang tumataas na pakikialam at pagbabago sa natural na sistema dahil sa aktibidad ng tao.
Ang mga aktibidad na ito ng tao kagaya ng malawakang industriyalisasyon ay nagdudulot ng mga pagbabago tulad ng pagtaas ng temperatura ng mundo dulot ng carbon emissions na inilalabas ng mga pabrika, na nagdudulot naman ng pagkatunaw ng mga malalaking tipak ng yelo sa polar, na nagpapataas sa lebel ng karagatan, at nakaaapekto sa mamumuo ng mas malalakas at mapaminsalang mga bagyo.
Kinikilala ang ating Konstitusyon ng Pilipinas ang kahalagahang ito ng kalikasan, sa Seksyon 16 ng Artikulo II “Declaration of Principles and State Policies”nakasaad na: “The State shall protect and advance the right of the people to a balanced and healthful ecology in accord with the rhythm and harmony of nature.” Noong 1993, kinatigan ng ating Korte Suprema ang karapatan ng 44 na bata para maghain ng asundo hinggil sa kanselasyon ng timber license agreements bilang bahagi ng kanilang karapatan para sa malusog na kapaligiran. At noong 2008, naglabas ang Korte Suprema ng mandato, na nag-uutos sa 13 ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources upang isabuhay ang kanilang obligasyon bilang itinatakda ng Philippine Environment Code para linisin ang Manila Bay.
Ang naging desisyon ng korte sa France hinggil sa kaso ni ‘Maurice the rooster’ at ang pagkuwak ng mga pato ay mga bagong pagbabago sa laban sa pagitan ng natural na sistema ng mga bagay at ang pagsisikap ng tao na iayon ito sa kanilang pangangailangan. Nagpapatuloy ang labanan ito hanggang sa ngayon at maninindigan tayo sa panig ng mga naghahangad na mapigil ang hakbang ng tao na nagdudulot ng climate change at ang matinding epekto nito sa ating buhay.