BINAWI na ng Pangulo ang kanyang pahayag na pansamantalanng suspendihin ang pag-aangkat ng bigas.
Noong Martes kasi, sinabi niya na aatasan niya si Agriculture Secretary na suspendihin ang importasyon ng bigas hanggang sa matapos ang anihan. Sa halip ay paigtingin ang pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka kahit nangangahulugan ito ng pagkalugi ng gobyerno ng P3 bilyon. Binago niya ang pahayag na ito pagkatapos ng kanyang pulong nitong Miyerkules ng gabi kina Agriculture Sec. Dar, Finance Sec. Carlos Dominguez III at Executive Secretary Salvador Medialdea. Ayon kay Sec. Dar, ang rice tarrification law ay magpapatuloy at isasantabi ang naunang pahayag ng Pangulo. Ang batas na binanggit ni Sec. Dar ay ang Republic Act No. 11203 na nilagdaan ng Pangulo nitong nakaraang Pebrero. Nagpapataw na lang ng buwis sa mga importasyon ng bigas, sa halip na limitahan ang pag-aangkat nito. Kaya, nagbunga ito ng pagbaha sa lokal na pamilihan ng mga bigas buhat sa iba’t ibang bansa. Ayon sa US Department of Agriculture, ang Pilipinas na magiging world’s biggest rice importer na sa katapusan ng taon ay gagawa ng track record ng pag-aangkat na tatlong milyong metric tons.
Nabulabog, ang ating mga magsasaka. Sa pagdagsa ng importasyon, ang halaga ng palay ay bumagsak sa P15.49 kada kilo nitong Oktubre na siyang pinakamababa sa loob ng walong taon. Pero, grabe ang lumalabas sa rekord ng gobyerno. Ayon dito, ang mga pangunahing probinsiyang pinagkukunan ng bansa ng bigas, kabilang dito ang Bulacan, Nueva Ecija, Isabela, Tarlac at Cagayan, ang halaga ng palay ay P11-P14 per kg. Kaya, sa San Fabian, Pangasinan at Sariaya, Quezon, nag-rally ang mga magsasaka na humihingi ng tulong sa gobyerno. “Kapag pinagpatuloy ng gobyerno ang pagwawalang bahala sa aming kalagayan, marami sa amin ang titigil nang magtanim,” wika ng isang magsasaka. Paano naman kasi, sa San Fabian, Pangasinan, ang bagong aning palay ay nagkakahalaga na lang ng P13-P15 per kg. Eh ang nagagastos ng magsasaka para magtanim at makaani ay P13, paano nga naman hindi sila malulugi at paano sila makababawi? Ang inaasahan ni Finance Secretary Dominguez na makatutulong sa mga magsasaka ay ang kikitaing buwis ng gobyerno sa ilalim ng rice tarrification law. Aniya, sa darating na dalawang taon, makakokolekta ang gobyerno ng P6 bilyon na lalabis sa taunang P10 bilyon inilaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na ibibigay na cash ng gobyerno sa mga magsasaka na ang kanilang kabuhayan ay naapektuhan dahil sa pagbagsak ng presyo sa palay.
Ayon kay Domniguez, ang nilulutas nila ay ang problema ng mga magsasaka dahil bumagsak ang presyo ng palay dahil sa importasyon ng bigas, na ito naman ang pangremedyo sa problema ng mamamayan hinggil sa pagtaas ng presyo nito sa lokal na pamilihan. Eh rice tarrification law ang paglunas. Kailanman ay hindi sasagana sa bigas at pagkain ang bansa sa pamamagitan ng importasyon. Ang rice tarrification law na inaasahan ng administrasyon na makakokolekta ng salapi na pangtulong sa mga magsasaka para maging competitive sila ay napakalayo sa realidad. Ang magpapasagana sa bansa ay ang tunay na reporma sa lupa tulad ng pinaiiral sa Taiwan at Vietnam. Ang mababang halaga ng bigas na galing sa Vietnam ay surplus na o kalabisan sa pangangailangan ng Vietnamese, kaya mura ang halaga. Bago makarating sa ating bansa, nabawi na sa lokal nilang pamilihan ang kanilang nagastos sa pagtatanim at pag-ani nito. Kasi, hindi peke ang kanilang land reform hindi tulad sa atin.
-Ric Valmonte