IMINUNGKAHI ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kay Pres. Rodrigo Roa Duterte na tanggalin na lang si Vice Pres. Leni Robredo bilang drug czar ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) sa halip na batikusin at pagbantaan ng Pangulo.
Tahasang sinabi ni PRRD na wala siyang tiwala kay Robredo sa paghawak ng listahan ng mga high-profile narcotic trafficker, drug lord at smuggler sapagkat baka ibahagi niya ang sensitibong mga impormasyon sa dayuhang mga bansa at grupo na kanyang kinakausap.
Sa banner story ng BALITA noong Sabado, ganito ang nakalagay: “Sibakin mo na lang si Robredo.”
Pahayag ni Sen. Kiko: “Kung ayaw nila si VP Leni bilang drug czar, walang pumipigil sa kanila na tanggalin siya sa nasabing puwesto. Itigil na nila ang pananakot na tatanggalin si VP Leni sa puwesto at itigil din ang pasaring at pang-iinsulto na hindi maaaring pagkatiwalaan si VP Leni. Hindi kapit-tuko sa puwestong drug czar si VP Leni”.
Iyan naman ang katotohanan. Una, hindi naman ginusto o nag-apply si beautiful Leni sa naturang puwesto. Basta inalok lang siya ni Mano Digong nang mapikon sa mga puna na bigo ang drug war niya dahil libu-libo na ang napapatay, laganap pa rin ang salot ng iligal na droga.
Binigyang-diin ni Pangilinan, pangulo ng Liberal Party (LP), hindi na dapat itinalaga ng Pangulo si VP Leni bilang co-chairperson ng ICAD kung wala siyang tiwala.
Marahil daw ay nagulat ang Pangulo at mga kaalyado nito nang tanggapin ng Bise Presidente ang alok na drug czar. Maging ang mga kaalyado, kaibigan ni Leni ay nagulat din nang tanggapin niya ang puwestong alok sa kanya.
Naghihinala ang mga tao at oposisyon na labis na ikinainis ng Pangulo ang pakikipag-usap ni VP Leni sa mga opisyal at kinatawan ng UN Office on Drugs and Crime (UNODC), US Embassy, at iba pang grupo at eksperto.
Hinihingi ni Leni ang narco-list ng Duterte administration upang makita niya ang mga dambuhalang trafficker, smuggler ng shabu at iba pang iligal na droga para makagawa siya ng paraan at estratehiya para sila madakip at masugpo.
Dito nagsimula ang pagbira ni PRRD kay VP sapagkat nangangamba siyang baka raw ibahagi ng ICAD co-chairperson sa mga dayuhang bansa at organisasyon ang makukuha niyang “state secrets” at mga sensitibong impormasyon.
oOo
Hanggang ngayon ay hindi pa nagtatamo ng hustisya ang mga biktima sa Maguindanao Massacre noong 2009 na kagagawan umano ng mga Ampatuan. Matapos ang 10 taon sapul nang pagbabarilin at pagsasaksakin ng may 100 tauhan ng mga Ampatuan ang 58 tao, kabilang ang 32 media people, wala pang nasisilip na liwanag ang mga pamilya ng mga biktima.
-Bert de Guzman