DROGA, paninigarilyo ng tobacco, vaping, asukal, asin at iba pa—ito ang laman ng mga balita kamakailan. May hakbang na ipagbawal o limitahan ang paggamit ng mga ito dahil sa panganib sa kalusugan na maaaring makuha ng publiko, at maaaring humantong sa iba’t ibang uri ng komplikasyon.
Luma nang problema ng mundo ang droga. Kasabay ng pagsisimula ng kanyang administrasyon, inilunsad ni Pangulong Duterte ang kampanya upang wakasan ang suliraning ito sa bansa, na natuklasan na lamang niyang napakalawak na nito, na ang pagsisikap ng pulisya na labanan ito ay naharap sa maraming karahasan.
Matagal nang batid ng publiko na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng cancer, chronic obstructive pulmonary disease (COPD), stroke, at asthma, dahil sa kemikal na inilalabas ng usok ng sigarilyo, ngunit ang adiksyon dito ay napakalawak na dahil sa nicotine sa tobacco.
Inimbento naman ang vaping upang matulungan ang mga naninigarilyo na mahinto ang kanilang bisyo, gamit ang usok na hindi nagmumula sa pagsusunog. Ngunit naglalaman pa rin ito ng nicotine na nagdudulot ng adiksyon at nitong nakaraang linggo nga, ipinagbawal na ni Pangulong Duterte ang vaping sa mga pampublikong lugar matapos tamaan ng sakit sa baga ang isang teenager na isinisisi sa vaping.
Ang labis na asukal ay nagpapataas sa panganib ng diabetes, obesity, at tooth decay. Maraming masustansyang pagkain tulad ng gatas, gulay at mga prutas ang natural na mayroong asukal, gayunman nagiging banta ito sa kalusugan kapag labis itong idinaragdag sa mga soft drinks, na nagdudulot ng pagtaas ng timbang at pagtaas ng banta ng diabetes at sakit sa puso.
Ang labis namang asin ay maaaring makapagpataas ng blood pressure at banta sa sakit sa puso at stroke. Mayroon ngayong hakbang upang dagdagan ang buwis sa maaalat na pagkain—tulad ng buwis na ipinapataw sa mga alak at tobacco—ngunit nagkataon naman na ang asin ang pangunahing preservative na ginagamit para sa paggawa ng tuyo at daing, ang karaniwang pagkain ng mahihirap nating mga kababayan dito sa Pilipinas, at ang hakbang na ito ay sinalubong ng malawakang pagkondena.
Malawak ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga ngunit malaki ang kinikita sa kalakaran ng droga, kaya’t napananatili pa rin ito ng mga kriminal sa kabila ng maigting na kampanya ng pamahalaan. May 4.8 milyon gumagamit ng droga sa bansa, ayon sa Dangerous Drugs Board. Ang pagsisikap na mahinto ang kalakaran ng droga sa bansa ay sasakop pa sa maraming administrasyon ng pamahalaan ng Pilipinas.
Ang kampanya laban sa paninigarilyo, vaping at labis na pagkonsumo ng asukal at asin, kung ikukumpara ay higit na madali, ngunit nagbibigay banta ito sa kalusugan ng tao, kaya’t dapat itong maisulong nang may tuloy-tuloy na enerhiya at pagsisikap para sa interes ng kalusugan ng bansa.