Tatangkain ng Northport na maitala ang pinakamalaking upset sa quarterfinals sa muli nilang pagtutuos ng no.1 seed NLEX sa kanilang do-or-die game ngayong gabi sa 2019 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Ginulantang ng 8th seed Batang Pier ang Road Warriors at dinomina sa una nilang pagtutuos noong Lunes sa playoffs, 115-90, upang burahin ang taglay na twice-to-beat advantage ng huli at makahirit ng winner-take-all match.

Sa kanilang tangkang pagbawi, hindi pa tiyak kung makakalaro sa Road Warriors sina Paul Varilla at Poy Erram na parehas na-eject sa laban nila noong Lunes nang kapwa matawagan ng flagrant foul penalty 2 matapos masangkot sa gulo kontra kay Northport import Michael Qualls.

Inaasahang mas magiging pisikal at dikdikan ang laban ngayon lalo pa’t hindi papayag ang Road Warriors na mauwi lamang sa wala ang pinaghirapan nila noong élimination round kung saan tumapos silang no.1 squad.

“Temper di mawawala, magkakasakitan talaga kasi playoffs to.Parehong gustong umabot ng semifinals.Kaya sabi ko sa kanila dapat ready tayo.Kung ayaw nyo masaktan, mag-chess na lang tayo,” wika ni Northport coach Pido Jarencio.

'I really love you kuya!' Tapatang Pacquiao brothers, ekis mangyari!

Sa panig naman ng NLEX, ayon kay ace guard Kiefer Ravena ay kinakailangan nilang mag focus at gawin ang nararapat upang hindi mauwi sa wala ang kanilang mga pinagpaguran.

“It’s do-or-die. We have no excuses, no reasons not to play our best,” ani Ravena.

Tatangkain ng NLEX na maputol na ang natamong tatlong sunod na pagkatalo mula sa pagtatapos ng eliminations na umabot na sa playoff.

“We have to wake up, shape up, and just try to grind this one out and then take a long break before going to the semifinals. I guess this is one type of game where you throw away the stats, throw away your standings, just focus on the game plan and focus on what helps your team win,” dagdag nito.

-Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7 pm NLEX vs. Northport