NAKIPAGKITA si United States of Defense Mark Esper kay Philippine Secretary of Defense Delfin Lorenzana sa Camp Aguinaldo, nitong nakaraang Martes. Matapos ang pagpupulong, kapwa sang-ayon naman ang dalawa na kailangan na irebisa ang Mutual Defense Treaty ng 1951.
Dumating sa bansa ang puwersa ng mga Amerikano noong 1898, sa kasagsagan ng digmaang Espanyol-Amerikano, sumugod sa Manila Bay ang tropa ni Admiral George Dewey, at winasak ang puwersang pandagat ng mga Espanyol, at tumapak sa Maynila. Nananitili ang US sa dating kolonya ng Espanya, at kalaunan ay lumagda sa Kasunduan sa Paris kasama ang Espanya noong 1898 kung saan napasakamay ng US ang Pilipinas kapalit ng halagang P20 milyon, ito’y sa kabila na iprinoklama na ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Unang Republika ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1896.
Sa kabila ng taliwas at masamang relasyon sa simula, unti-unting bumuti ang ugnayang Pilipino-Amerikano sa mga lumipas na taon, na higit na naging malapit sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang makipaglaban ang mga tropang Pilipino kasama ng mga Amerikano laban sa mga Hapon. Kalaunan matapos ang digmaan, isinuko na ng Amerika ang pamamahala sa Pilipinas, sa pagbibigay ng kalayaan noong Hulyo 4, 1946, bagamat nanatili ang mga base ng Amerika sa bansa. Noong 1951, lumagda ang dalawang bansa sa isang Mutual Defense Treaty. Ngunit noong 1991, bumoto ang Senado ng bansa laban sa mungkahing pagpapalawig ng presensiya ng US ng mahigit sampung taon pa.
Nanatiling mahigpit ang ugnayan ng dalawang bansa sa mga nakalipas na panahon, na nananatiling sakop ng Mutual Defense Treaty ng 1951, kung saan nangako ang dalawang bansa na magtutulungan sa panahon ng anumang banta ng armadong pag-atake “on the metropolitan territory of either of the parties, or on the island territories under its jurisdiction in the Pacific Ocean, its armed forces, public vessels, or aircraft in the Pacific.”
Ito ang Mutual Defense Treaty na nais irebisa nina Secretary Lorenzana at Esper, sa gitna ng mga naging pagbabago kamakailan, lalo na sa South China Sea. Dito, iginigiit ng Pilipinas ang karapatan sa ilang mga isla na inaangkin din ng China. Kabilang dito ang Panatag malapit sa Zambales at Mischief Reef sa kanluran ng Palawan, kung saan nagtayo na ang China ng runway at pasilidad ng militar. Inaangkin ng China ang halos 80 porsiyento ng South China Sea bilang sakop nitong teritoryo at kabilang sa malawak na bahaging ito ang mga islang inaangkin din ng Pilipinas at ng iba pang mga bansa sa Southeast Asia.
Dahil sa kawalan ng isang tiyak na kasunduan, nananatili ang mga ito bilang pag-aangkin lamang. Ang ating tradisyunal na kaalyado, ang US, ay inihahayag lamang ang iginigiit nitong freedom of navigation in international waters, sa pamamagitan ng patuloy na pagpapadala ng mga warships nito sa bahagi ng South China Sea.
Nang mabanggit nina Secretary Lorenzana at Esper ang pangangailangan upang mairebisa ang Mutual Defense Treaty, binigyang diin nila ang kalabuan ng ilan sa mga probisyon nito. Ano, halimbawa, ang “metropolitan territory” ng Pilipinas na ipinangakong ipagtatanggol ng US? Nakasaad din na dapat depensahan ng US ang “island territories in the Pacific”—na nasa silangang bahagi ng bansa. Sasakop rin ba ito sa mga islang teritoryo ng bansa sa South China Sea—na nasa kanlurang bahagi ng bansa?
Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon, niyakap ni Pangulong Duterte ang China at Russia, at nagdeklara ng “separation” ng bansa mula sa Amerika. Gayunman, hanggang sa kasalukuyan nananatiling mahigpit na kaalyado ng bansa ang Amerika, isang posisyong pinatutunayan ng ilang ulit na mga survey sa mga Pilipino. Sa matatag na suportang ito ng mga tao, kaya’t nagpupulong sina Secretary Lorenzana at Esper at ngayo’y naghahangad na malinawan ang anumang malabong probisyon sa kasunduang pandepensa ng dalawang bansa.