“HINAHAMON kita. Imbitahan mo. Sasabihan ko ang immigration na papasukin niya. Kung talagang desedido ka, papuntahin mo rito iyang son of a bitch na iyan. Pupunta ako sa iyong opisina. Sasampalin ko siya nito sa harap mo,” wika ni Pangulong Duterte na tangan ang drugs briefer kay Vice President Leni Robredo.
Ang ikinagalit ng Pangulo ay ang umano pag-imbita ni Robredo sa abogado ng dating Human Rights Watch Asia Director Phelim Kine. Ito ang nagboluntaryong nagpayo kay Robredo kung paano wawakasan ang murderous drug war at inerekomenda sa kanyang Twitter na ipaaresto si Pangulong Duterte. “Fake news ang sinasabing inimbitahan ko si Kine. Maaaring binigyan ang Pangulo ng maling impormasyon,” sabi ni Robredo. Aniya, ang tanging mga banyagang opisyal na kinausap ko ay ang mga taga-UN Office on Drugs and Crime at US Embassy.
Sa kanyang news conference nitong Hwebes ng gbi, binatikos ni Pangulong Digong si VP Leni at tinawag itong “scatterbrain” dahil sa pakikipag-usap nito sa mga banyaga hinggil sa kampanya laban sa droga. Inakusahan niya rin ito ng “grandstanding” sa harap ng mga mamamahayag. Pero, hindi naman niya ito tinatanggal sa puwesto. Wika niya: “Hindi ko sinasabi na dinidismis ko na siya. Ang sabi ko ay napagpasiyahan ko na huwag siyang hirangin bilang miyembro ng Gabinete dahil sa aking paniniwala na ilalagay ko sa panganib ang buong sitwasyon, kabilang ang mga records, classified, na tinatawag na state secrets.” Itinatakda ko, aniya, ang limitasyon ng kanyang kapangyarihan at bibigyan lang siya ng impormayon hinggil sa war on drugs kung kinakailangan.
“Maliwanag na gusto ng Pangulo na mawala na siya sa pwesto nang hindi niya tinataggal ito, ang ibig kong sabihin, ipinauubaya na niya rito ang initiatibo at mgbitiw na siya. Naniniwala ako na sa ngayon ay pinag-iisipan na ni VP Leni ang kanyang gagawin. Dapat sa lalong madaling panahon ay makapagpasiya na siya dahil hindi na niya maipagtatanggol ang kanyang posisyon. Responsibilidad na walang kaukulang poder ay garantiya ng pagkabigo,” wika ni Sen. Ping Lacson, tagapayo ng Pangalawang Pangulo sa kampanya laban sa droga. Pero, ito ang naging reaksyon ni VP Leni: “Kung ayaw na niya sa akin at gusto niyang bawiin ang aking appointment, sabihin lang niya sa akin. Diretsuhin niya ako. Straight talker ako.”
Marahil natauhan na at nahintakutan si Pangulong Digong sa ginawa niyang pag-alok sa posisyon ng co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drug kay VP Leni at tanggapin naman niya ito. Kasi, nakita na niya ang hindi magandang epekto sa kanya nang hiningi na ni Robredo ang listahan ng mga high value target ng kanyang war on drugs. Sa pangako niya na ang war on drugs ay hindi laban, kundi para sa tao, inuugat niya ang problema. Ang maganda pa rito, ginawa niyang malawak ang partisipasyon ng mamamayan sa ginagawa niyang kampanya. Mahirap na rito ang taguan at takipan, hindi tulad ng iilan lang ang nagpapairal ng kampanya na nagbubunga ng pagpatay at “ninja cops.” Sa tulong ni Lacson, mapapalalim ni Robredo ang imbestigasyon sa naganap na paglusot sa pantalan ng P6.4 bilyong halaga ng shabu at P11 bilyong halaga nito na nakasilid sa magnetic lifter na pawang inembestigahan ng senado. Hindi, kaya kinatatakutan ni Pangulong Digong na maungkat dito ang utak ng nagpasok ng mga ito ngayong katulong na ni Robredo ang US Embassy at UN Office ng Drugs at Crime at iba pa?
-Ric Valmonte