NAKOPO ng Makati FC ang pito sa siyam na dibisyon title sa 24th Alaska Football Cup nitong weekend sa Alabang Country Club sa Muntinlupa City.
Kabuuang 270 koponan ang sumabak sa dalawang araw na kompetisyon at nadomina ng Makati FC ang Boys U16, (2003), U15 (2004), U14 (2005), U13 (2006), U12 (2007), U10 (2010) atGirls 14. Pangalawa naman ang club sa Boys U11 (2008) at U9 (2012).
Bukod sa 10 batang players mula sa Negros Occidental, sumandal din ang Makati FC sa kanilang Indonesian guest players.
Tinanghal na Most Valuable Player sa Boys U16 division si Nico Diola, pambato ng Dr. Vicente F. Gustilo Memorial National High School sa Cadiz City.
Pinaglabanan ang 12 age divisions sa boys at girls 7 a-side tournament.
Nagnining sa Negros Occidental sina Isaiah Jacob Teruel (Trinity Christian School), Andre Joaquin Algarme (Colegio de Sto. Tomas Recoletos),Dave Aiken Celis (Trinity Christian School), Jan Raven Diola (Dr. Vicente F. Gustilo Memorial National High School), Leoven Jay Gatungay (Colegio de Sto. Tomas Recoletos), Dominic Austin Dreyfus (University of Negros Occidental-Recoletos), Mark Gabriel Cantos (University of Negros Occidental-Recoletos) at Ryan Monares (Sagay National High School).
Ang Alaska Football Cup ang pinakamalaking grassroots sports tournament sa bansa na sinimulan noong 1995, sa pangangasiwa
ni dating professional international football player at Makati FC founder Tomas Lozano.
Nakalinyang sumabak ang Makati FC sa Bangkok, Thailand sa Nov. 29-Dec. 2 at naimbitahan din sa Indonesia sa Dec. 13-15.