HINDI magbibitiw si Vice Pres. Leni Robredo bilang drug czarina o Reyna Laban sa Illegal drugs. Hinirang siya ni Pres. Rodrigo Roa Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drug (ICAD) matapos mapikon ang pangulo sa kantiyaw ng Reyna na kailangang magka-tweak o pagbabago ang estratehiya laban sa iligal na droga.
Sinabi ni Robredo na libu-libo na ang napapatay na drug pushers at users sapul noong 2016, pero hanggang ngayon ay laganap pa rin ang salot ng illegal drugs. Batay sa PNP record, mahigit na sa 5,000 tulak at adik ang kanilang naitutumba dahil nanlaban.
Gayunman, kung ang mga kritiko, kalaban at human rights advocates ang paniniwalaan, mahigit pa sa 20,000 ang napapatay ng mga tauhan ng PNP sa buy-bust operations at ng mga vigilantes. Naniniwala silang ang vigilantes ay mga pulis din. Itinatanggi ito ng PNP.
Sa kabila ng pagkagalit, pagkawalan ng tiwala at pagmaliit sa kakayahan ni VP Leni na masugpo ang illegal drugs bilang druz czarina, nanindigan ang Pangalawang Pangulo na hindi siya magbibitiw bilang ICAD co-chairperson kasama si PDEA Director General Aaron Aquino.
Sinabi ng spokesman, si lawyer Barry Gutierrez, na walang planong mag-resign si Robredo kahit ginagawang mahirap para sa kanya ng ilang kaalyado ng Pangulo at pinuno ng mga ahensiya ang trabaho para siya magtagumpay. “She will not resign even if they make things difficult or try to stop her.”
Ayon kay Gutierrez, tinanggap ni Robredo ang alok ni PRRD na pamunuan ng ICAD kahit pinayuhan at binalaan siya ng malalapit na alyado, ng mga eksperto na hindi siya papayagang magtagumpay at lalagyan ng mga hadlang sa pagtupad sa tungkulin.
Sa kabila ng paglilimita ng Malacañang sa kanyang mandato sa anti-illegal drug war na napika sa kanya nang sabihin niyang bigo ang administrasyon sa giyera sa droga, hindi siya paaapekto rito bagkus ay itutuloy ang trabaho at commitment para makatulong sa pagsawata sa bawal na gamot.
Para kay Gutierrez, madali lang ang solusyon. “If they want her out, then kick her out. The President has always had the authority to limit her mandate. The President has always had the authority to remove her, so if he wants, be direct with it.”
Sinabi rin nina VP Leni at Gutierrez na ang Pangulo ay “sinusubuan” ng maling impormasyon o fake news ng kanyang staff o mga opisyal, tulad halimbawa ng umano’y pag-imbita sa isang “prosecutor” ng “Human Rights Commission” na pumunta sa Pilipinas.
Walang imbitasyon si VP Leni sa nasabing prosecutor. Ang tinutukoy rito ay si human rights advocate Phelim Kine, dating deputy director ng Human Rights Watch-Asia Division. Nagkamali rito ang Pangulo, ani Leni. Hindi niya inimbitahan si Kine. “That is fake news. If they say that I invited a prosecutor, that is fake news. And I hope that the President would not believe in fake news.”
Nagbanta ang Pangulo na sasampalin niya si Kine sa harap ni Robredo kapag dumating ito sa Pilipinas dahil galit siya sa tweet nito na: ‘I am packed and ready to arrest Duterte. Leni, I will slap him in front of you. Bring him here.” Iginiit ni VP Leni na wala siyang imbitasyon kay Kine, at ang impormasyon na ibinigay ng staff ng Pangulo ay “fake news.”
Sa kabila ng isinusulong na pakikipagkaibigan ng administrasyong Duterte sa bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping, nananatiling hindi ito pinagkakatiwalaan ng mga Pinoy, batay sa Survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa 1,800 adults na tinanong ng SWS noong Setyembre 27-30, 54% ng mga Pilipino ang walang tiwala sa China, at 21% lang ang may tiwala o katumbas ng “poor” net trust na -33. Samantala, ang US pa rin ang ang higit na pinagkakatiwalaan ng mga Pinoy (+72), Australia (+37), Japan (+35), Singapore (+26), at Vietnam (Zero).
-Bert de Guzman