NAKALIKOM si Arena Grand Master (AGM) Almario Marlon Quiroz Bernardino Jr. ng 1.5 puntos sa huling dalawang round para tanghaling overall champion sa katatapos na Black and White Chess Tournament 2019 (Open event) nitong Linggo sa Pacific Mall sa Lucena City.

Ang dating pambato ng Rizal Technological University na si Bernardino na suportado sa kanyang kampanya nina Barangay Malamig chairman at International Billiards Champion Marlon “Marvelous” Manalo ay nakihati ng puntos kay Mikhail Laoagan sa sixth at penultimate round kasunod ng pag-giba kay Rafael Dionisio sa seventh at final round.
Tumapos si Bernardino na may 6.5 puntos mula sa anim na panalo at isang draw sa seven-round tournament na inorganisa ng The Honor Society of the Lambda Kappa Phi, sa pangunguna ng pangulong si Clifford “Jac” De Dios, Chairperson Andre Justine “Niko” Puri at Co-chair Alfredo “Merq” Camelon na suportado ng local government ng Lucena City na nirendahan nina mayor Roderick A. Alcala at ng city council,mga arbiters Renato V. Sales, Eduardo Q. Santelices, Janglie Lita at ng Pacific Mall.
Si Laoagan na ipinagmamalaki ng Tiaong, Quezon ay nakaungos kay Noel Glifonea sa final canto tungo sa solo second place na may 6.0 points. Naibulsa ni Laoagan ang runner-up prize P3,000 plus trophy sa kanyang effort.
Tatlong manlalaro na kinabibilangan nina Rigor Padernal, Renier John Mamba at Gabriel Paril – magkasalo sa third hanggang fifth places na may tig 5.5 points.