ANG mas nakababatang henerasyon ang inaasahang makikinabang sa mga programang inilatag ng ASEAN, ayon sa isang opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), kamakailan.

Pinuri ni Undersecretary Lorraine Marie T. Badoy, pinuno ng new media and external affairs ng PCOO, ang aktibong partisipasyon ng mga mag-aaral buhat sa mga unibersidad sa paglalatag ng iba’t ibang mga oportunidad na maaaring makuha ng mga Pilipino, bilang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

“Because there are really very important goals that you can meet as a region, together. Like the European Union where countries are bonded together as a region so they become stronger economically and security (aspect) and all that. These are the hopes of Asean. We do it because of your generation,” pagbabahagi ni Badoy sa idinaos na Asean Awareness Forum.

Dinaluhan ang forum ng mahigit daan-daan mag-aaral at mga propesor mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Bohol, mga local government information officer, regional government agencies, at museum curators.

Ayon kay Badoy, sa pamamagitan ng mas matatag na regional intergovernmental organization, mas madali na para sa mga Pilipino na makapaglakbay o bumisita sa siyam na bansang miyembro ng ASEAN na hindi na kailangang pang kumuha ng visa.

“It’s already in place for you guys. Travel to Asean countries (is) so much easier. It’s just like going to Cebu or Manila that you don’t need a visa and you guys need to travel to see the world to have a bigger view of your role in life,” aniya.

Samantala, sinabi naman ni Undersecretary George A. Apacible, pinuno ng good governance, government-owned and -controlled corporations and finance ng PCOO, na ang aktibong pakikilahok ng Pilipinas sa pagbuo ng mga polisiya sa pagbibigay-impormasyon para sa awareness level ng mga programa ng ASEAN ay nagbago na rin dulot information technology.

Matagal na, aniyang nabago ang tradisyunal na pagdaraos ng mga pulong ng ASEAN o summit, dahil na rin sa pagpasok ng malawakang information drive upang maturuan ang publiko hinggil sa benepisyo nang pagiging mamamayan ng mga miyembrong bansa, ani Apacible.

Hinikayat niya ang mga Boholanos na dumalo sa awareness seminar na higit pang pag-aralan ang ASEAN sa Internet.

PNA