DALAWANG bagay ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kung bakit may “reservation” si Pangulo Duterte para pagkatiwalaan si Vice President Leni Robredo ng mga sensitibong impormasyon.
Una, sa pagtupad nito ng kanyang tungkulin bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, nakipag-usap siya para konsulatahin hinggil sa problema ng droga ang tinawag ni Panelo na kaaway ng estado. Kamakailan kasi, nakipagkita si VP Leni sa mga opisyal ng US Embassy sa Maynila, kabilang ang mga kinatawan buhat sa State’s International Narcotics and Law Enforcement Affairs, Drug Enforcement Administration, Federal Bureau of Investigation at US Agency for International Development upang talakayin ang US counter narcotics program sa Pilipinas at posibleng pagtutulungan upang mabawasan ang drug demand sa bansa. Nakipagkita rin siya sa mga kinatawan ng mga organisasyon, kabilang ang UN Office on Crime and Drugs at inanunsiyo ang planong pakikipag-usap sa interior department, Dangerous Drugs Board at health officials sa darating na linggo hinggil sa polisiya, rehabilitation at reintegration. Itinuring ng administrasyong Duterte na kaaway ng gobyerno ang mga tao at ahensiya na kumukondena sa war on drugs dahil sa mga pagpatay at paglabag sa karapatang pantao. Mahirap daw pagkatiwalaan si VP Leni dahil, sinadya niya o hindi, ay baka maibahagi niya ang mga impormasyong may kaugnay sa seguridad ng bansa.
Ikalawa, ayon din kay Panelo, iginigiit ni VP Leni na malaman ang mga classified information na ang pagbubunyag ng mga ito ay malalagay sa panganib ang kapakanan ng mga Pilipino at seguridad ng bansa. Eh ang hinihingi lamang niya sa mga law enforcers ay ang updated na kalagayan ng pagpapatupad ng war on drugs at ang mga listahan ng mga high value target. Kaya, marahil nasabi ng Pangulo sa panayam sa kanya sa telebisyon, na magkaiba sila ng partido. Baka ayaw ng Pangulo na matunghayan ni Robredo ang listahan ay dahil ayaw malaman nito na may mga pulitiko na nasa listahan na kapartido ni Robredo. Hindi mo nga naman maiaalis na bigyan niya ng proteksyon ang kanyang kapartido lalo na kung sa pagkaalam niya, ay walang kaugnayan ito sa dorga, kundi dahil lamang sa pulitika.
Pero, ang mahalaga sa ginagawa ni Robredo ay pinabulaanan niya ang nauna nang sinabi ng Pangulo na wala siyang kakayahang magpatakbo ng gobyerno. Sa maikling panahon pa lang ng kanyang panunungkulan bilang co-chair ng ICAD, naipakita ni VP Leni na alam niya ang problema at alam niya ang paraan ng paglutas nito. Nakuha niya ang kooperasyon ng lahat na siyang mahalaga sa paglutas ng pambansang problema. Ang nasa labas lang ng kanyang kapangyarihan ay ang kausapin ang gumagawa ng polisiyang pang-ekonomiya ng bansa at makatulong kung paano mapapaganda ang buhay ng mamamayan. Pero, ang hindi maipagkakaila, nakatuon ngayon ang mata ng publiko kay VP Leni at kaagaw siya ng Pangulo sa eksena.
-Ric Valmonte