MATAGAL nang problema ng mga nakalipas na administrasyon ang kurapsyon sa pamahalaan. Habang ipinatupad ni Pangulong Duterte ang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga biglang tanda ng pagsisimula ng kanyang administrasyon noong Hunyo 2016, mahigpit din niyang ipinatupad ang mas tahimik na kampanya laban sa kurapsyon sa pamahalaan, sa pagpapalit ng mga opisyal na nauugnay sa mga kuwestiyonableng transaksyon sangkot ang pondo ng pamahalaan.
Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ilang pagbabago sa ilang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Customs, Bureau of Corrections, at kamakailan lamang, ang Pasig Rehabilitation Commission. Sa kanyang State of the Nation Address nitong nakaraang Hulyo, sinabi ng Pangulo na nasa daan-daan nang opisyal at iba pang itinalaga sa pamahalaan, ang kanyang sinibak o pinagbitiw.
Nitong Lunes, isang pangako ang binitiwan ng Pangulo sa isang matagal nang problema ng pamahalaan, kung saan tila walang naging pagbabago sa mga nakalipas na taon. Maraming bagay ang natetengga sa mga opisina ng pamahalaan, ani Pangulo. Hindi, aniya, mabilis ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga tao.
Dahil dito, nagpalabas siya ng isang kautusan sa lahat ng mga opisina ng pamahalaan upang aksiyunan ang lahat ng mga nakatengga bagay. Kailangan nilang masiguro na walang maaantalang trabaho bago ang pagsapit ng Disyembre 10. Kinakailangan nilang aprubahan o tanggihan ang lahat nang naghihintay na mga transaksiyon bago ang nasabing petsa, upang masiguro na makapagsisimula ang pamahalaan nang maayos sa bagong taon ng 2020.
Tuloy-tuloy ang pagsulong ng pamahalaan sa maraming malalaking programa at proyekto. Bukod sa kampanya laban sa ilegal na droga at kurapsyon, malawakan ding ipinatutupad ang programang imprastraktura ng pamahalaan, ang “Build,Build, Build”. Lumikha din ito ng programa sa buwis upang masiguro na magkakaroon ito ng sapat na pondo na magpapanatili sa pagbabago sa ekonomiya ng bansa. Nagtatakda rin ito ng tungkulin sa pandaigdigang ugnayan—sa Association of Southeast Asian Nations at ang ugnayan nito sa mga nangungunang bansa sa mundo, lalo na sa United States, China at Russia.
Ang malawak at malalaking programang ito ng pamahalaan, ay walang dudang mas mahalaga sa simpleng kautusan sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang magdesisyon at aksyunan ang lahat ng nakatenggang transaksyon bago ang pagsapit ng Disyembre 10. Ngunit maaari itong magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan, na nagbabayad ng kanilang mga buwis, kumukuha ng lisensiya o permit para sa negosyo, o naghahanap ng lunas sa mga pampublikong ospital.
Ang mga ito ay karaniwan, ordinaryo, pang-araw-araw na aktibidad ng ating mga mamamayan na maaari pang malagay sa red tape o balewalain ng maliliit na opisyal ng pamahalaan at mga empleyado na naghahari-harian sa maliit na grupo ng mga tao. Noon ito, ngunit hindi na ngayon. Dapat nilang maaksyunan ang lahat ng mga nakaantalang mga bagay pagsapit ng Disyembre 10, o magpaliwanag sa Pangulo kung bakit hindi nila ito maisakatuparan.