Mulingnagpaalala kahapon ang Food and Drug Administration (FDA) sa consumers na hindi pinahihintulutan sa bansa ang online selling ng mga gamot.
“It is illegal in the Philippines. There is no such thing as online selling of medicines in the Philippines,” sinabi ni FDA Officer-in-Charge Director General Rolando Enrique Domingo sa sidelines ng Anti-Counterfeit Medicine Summit sa Pasay City.
Ayon kay Domingo, dapat iwasan ng publiko ang pagbili ng mga gamot na ibinebenta sa online dahil maaaring peke ang mga ito at posibleng makasama sa kalusugan.
“Hindi mo alam saan nanggaling iyan, walang nag-check n’yan na pharmacist kung tootong genuine product iyan or counterfeit iyan,” aniya.
Binanggit ng health official na ang branded medicines at iyong mga kinukulang ang madalas na produktong pinepeke.
“The most commonly counterfeits are the branded, expensive, popular drugs and those with shortages in the market,” aniya.
Sinabi ni Domingo na mahirap i-monitor kung ang ipinagbibiling gamot ay genuine dahil ibinebenta ang mga ito ng unlicensed sellers.
“Kung i-checheck nyo yung mga nagbebenta--individuals eh. Wala naman itong mga license to operate o license to sell... Hindi naman nila alam kung saan kinukuha yung mga produkto na iyan, so ito nakakabahala talaga,” anang health official.
Sinabi pa ni Domingo mayroon ding procedures sa handling ng mga gamot para mapanatili ang pagiging epektibo nito.
“Hindi pwedeng itransport ang gamot basta basta, may temperature iyan, may humidity...kaya isipin mo kung bibilin mo iyan online. Yung nagbebenta hindi naman nya alam kung binili nya iyan sa totoong manufacturer; tapos ipapadala nila sa iyo through courier, hindi mo naman alam kung paano na handle iyan,” aniya.
“Maaring pagdating sa iyo, hindi na sya ganoon ka effective as you would want it to be. Yung health risk malaki,” diin niya.
-Analou De Vera